(Lusot na sa Senado) PAGLULUWAG SA FOREIGN INVESTORS

Senadora Grace Poe-4

APRUBADO na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbubukas sa mas maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Sa botong 19-3-0, inaprubahan ang Senate Bill (SB) 2094 sa hybrid plenary session nitong Miyerkoles, Disyembre 15.

Layon ng panukala na amyendahan ang 85-taong gulang na Commonwealth Act No. 146 o ang Public Service Act upang paluwagin ang restriksiyon sa dayuhang pamumuhunan sa public services.

Ayon kay Senadora Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services at sponsor ng SB 2094, pangunahing layunin ng panukala na mabigyan ang mga Pilipino ng mas marami at mas maayos na pagpipilian.

Naniniwala ang senadora na malaki ang kapakinabangan ng susunod na henerasyon sa lliberalisasyon ng public services ng bansa.

Ipinaliwanag ni Poe na sa pamamagitan ng SBN 2094, mas magiging malinaw ang mga terminong “public services” at “public utilities”.

Sa 1987 Constitution, tanging korporasyon na 60 porsiyentong pag-aari ng mga Pilipino ang maaaring mabigyan ng prangkisa, sertipikasyon at awtorisasyon na makapag-operate bilang public utility.

Sa ilalim ng SB 2094, ang public utility ay inilarawan bilang public service na may operasyon, pinamamahalaan at kinokontrol para sa gamit ng publiko, kabilang na ang distribusyon o transmission ng koryente; petroleum at petroleum products,  pipeline distribution systems, water pipelines distribution systems at wastewater pipeline systems, gayundin ang airports, seaports, public utility vehicles at tollways o expressways.

Ang hindi naman kasama sa public utility ay ikokonsidera bilang public service na sinasaklaw ng restriksiyon ng dayuhang pagmamay-ari. Kabilang sa public services ang telecommunications, air carriers, domestic shipping, railways at subways.

Sa period of interpellation sa panukala, ipinaliwanag ni Poe na ang public services ay inilalarawan bilang “critical infrastructure” at dapat pa ring maging saklaw ng regulasyon ng kinauukulang ahensiya sa ilalim ng mga batas.

Tiniyak ni Poe na may sapat na safeguards ang panukala upang protektahan ang national security, kabilang na ang pagbabawal sa foreign state-owned enterprises na magmay-ari ng anumang public service na itinuturing na critical infrastructure at pag-review ng foreign investments ng National Security Council.

Nakasaad din sa panukala ang reciprocity clause na nagsasaad na hindi papayagan ang mga dayuhan na magmay-ari ng mahigit sa 40 porsiyento ng capital sa public services na sangkot sa operasyon at pamamahala ng critical infrastructure, maliban na lamang kung ang bansa nito ay nagbibigay ng reciprocity sa mga Pilipino.

Laman din ng panukala ang pagpapataw ng parusa sa mga taong lumalabag sa batas sa pamamagitan ng multa na hindi bababa sa current value ng original fine batay sa consumer price index, o pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon hanggang 12 taon, o pareho.

“We need to be forward-looking and not be hampered by some of our mistrust and fears,” apela ni Poe sa kanyang mga kasamahan nang aprubahan ang panukala sa ikalawang pagbasa nitong Martes, Disyembre 14.

Una nang sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte ang SBN 2094, sa paggiit ng mga economic manager na makatutulong ito sa pagbangon ng Pilipinas mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, at pagpapalakasng foreign capital sa bansa. VICKY CERVALES