MAAYOS NA SANA ANG GUSOT SA POC

on the spot- pilipino mirror

NAPAKAGULO ngayon sa Philippine Olympic Committee (POC). Kailangan nang magkaroon ng bagong halal na mga opisyal  sa POC  para maayos ang gusot sa organisasyon,  lalo na ngayong apat na buwan na lamang ang nalalabi bago umarangkada ang 30th Southeast Asian Games sa bansa.

Maayos na sana ang takbo nang magpatawag ng special elections si POC chairman Bambol Tolentino para sa posisyon ng presidente nang biglang magbitiw sa tungkulin si Ricky Vargas. Nakasaad kasi sa POC Bylaws ang pagpapatawag ng special elections ng chairman. Pero sa halip na sumunod sa patakaran, pinilit ng  kampo ni Peping Cojuangco na mailagay na presidente si 1st vice president Joey Romasanta kapalit ni Vargas.

Ang problema lang ay hindi kuwalipikado si Romasanta na maging presidente saang anggulo man tingnan. Una, vice president siya ng National Sports Association (NSA)-Volleyball. Ang kailangan ay isang presidente ng NSA na Olympic sport at dapat ay nahalal mula sa kasalukuyang NSA presidents ng Olympic sport, at aktibong miyembro ng POC General Assembly sa dalawang magkasunod na taon sa panahon ng kanyang pagkahalal bilang presidente.

Pero ‘di papipigil si Romasanta. Nag-isyu siya ng mga press statement,  nagpainterbyu sa media at nagpakilalang ‘presidente’ raw siya ng POC.

Noong June 20, nagpalabas ng abiso ang POC board  na magkakaroon ng  General Assembly ang POC sa June 25. Pero pagdating ng naturang petsa, may tumayo para kuwestiyunin ang General Assembly dahil labag daw ito sa POC Bylaws kung saan nakasaad na dapat ay 10 araw ang abiso para sa mga ‘extraordinary meetings’ ng POC.

Sumang-ayon si POC chairman Tolentino kaya idineklara niyang invalid ang meeting pero sinabi niyang puwede naman itong magpatuloy bilang isang impormal na pagpupulong. Bago matapos ang meeting ay nagkaroon ng commitment mula kina Tolentino, board members Clint Aranas, Cynthia Carrion, Auditor Junee Go, at Treasurer Julian Camacho na lahat sila ay magre-resign para makapaghalal ng bagong set of officers ng POC.

Ang kaso, isa-isang umatras ang mga nagsabing magre-resign daw sila. Tanging sina Tolentino, Aranas at Carrion ang tumupad sa usapan.

Habang nangyayari ang lahat ng ito, napaulat na kumikilos si Romasanta para maging kuwalipikado siya bilang POC president. Batay sa report, bigla na lamang siyang naging presidente raw ng volleyball at ng karate kahit wala namang anunsiyo o nagpapatunay na totoo nga ang mga ito. Pinipilit ni Romasanta na kuwalipikado raw siya bilang POC president, pero ‘di niya maipaliwanag kung paano.

Ang pinakamabuting gawin ay ituloy na ang special elections sa POC para makapaghalal na ng bagong mga opisyal. Nakakahiya sa International Olympic Committee at Olympic Council of Asia na pareho nang nakapansin sa kaguluhan sa POC.

Siguradong magpipilit itong si Romasanta na tumakbo kahit ‘di siya kuwalipikado. Kaya kailangan talaga ay magkaroon ng kandidato na magtutuwid sa pamamalakad sa POC.

Si POC chairman Tolentino, ang kaakibat  ni Vargas noon sa pagsusulong ng reporma sa POC, ang maaaring pangunahan ang orga­nisasyon sa isang bagong simula kung saan ang Philippine sports ang tunay na bida, sa halip na mga opisyal na puro sarili lang nila ang inuuna.

Sa mga miyembro ng POC, sana ay sundin ninyo ang inyong konsensiya at ihalal ang mga  tulad ni Tolentino na ang puso at isipan ay naka­tuon sa kapakanan ng Filipinong atleta. Iwaksi ang bulok na sistema at ipatupad ninyo ang tunay na pagbabago sa orga­nisasyon.

Comments are closed.