MABAGAL NA PROMOTION SA TEACHERS PINABUBUSISI SA KAMARA

Rep-Antonio-Tinio-Rep-France-Castro

PINAIIMBESTIGAHAN ni ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro sa Kamara ang polisiya ng Department of Education sa promotion ng mga teaching personnel.

Inihain nina Tinio at Castro ang House Resolution 2061 kung saan ipinasisiyasat in aid of legislation ang mabagal na promosyon sa mga guro.

Tinukoy ng mga kongresista ang ilang hadlang sa ‘career advancement’ ng mga guro kabilang na rito ang napakaraming requirements, paghawak ng mga subject na wala sa linya ng kanilang kabihasaan o specialization at limitadong plantilla items para sa mas mataas na posisyon.

Ang mga problema sa sistema ng promotion ng DepEd ang dahilan kaya maraming mga guro na inabutan na ng pag­reretiro pero nasa entry level o Teacher I position pa rin.

Batay sa tala ng DepEd, sa 687,229 teaching population nasa 360,205 o 52% ang nasa entry level position habang 50,471 0 7.3% lamang ang Master Teachers.

Dagdag pa na dahilan sa mabagal na promosyon sa mga guro ay ang kakaunting items na inilalaan taon-taon para sa higher positions.

Sa ilalim ng 2018 budget, ang alokas­yon lamang sa promosyon para sa Master Teachers ay nasa 344 gayong daang libong mga guro ang naghihintay na mai-promote. CONDE BATAC

Comments are closed.