MABIGAT NA MULTA SA NO-CONTACT APPREHENSION, PINALAGAN NG TRANSPORT GROUPS

INALMAHAN  ng iba’t ibang transport group ang mabigat na multang nagpatong-patong dahil sa traffic violations na resulta ng ipinatutupad na no – contact apprehension policy (NCAP) sa iba’t ibang local government unit, lalo sa Metro Manila.

Ang ilang multa ay umaabot pa sa isang milyong piso, na para sa mga transport group ay masyado ng malaki at nakalulula.

Karamihan naman sa mga violation ay obstruction of pedestrian lane at disobedience to traffic control signs.

Iginiit ng mga transport group, tulad ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) at Lawyers for Commuters’ Safety and Protection o LCSP na dapat repasuhin at pag-aralan muli ang NCAP.

Sa panayam ng DWIZ kay LTOP national president Orlando “Ka Lando” Marquez, inihayag nitong may problema sa pagpapatupad ng NCAP, partikular ang magkakaibang halaga ng multa sa bawat lungsod.

Dapat aniya ay magkaroon ng unified implementation ng no-contact apprehension policy ang mga LGU sa Metro Manila at iba pang lungsod upang maiwasan ang mga perwisyo.

“Kami po ay nanawagan kay Pangulong Bongbong Marcos, hindi naman kontra diyan, ang gusto lang namin ay magkaroon ng fine-tuning dahil maraming loopholes sa NCAP,” ayon kay Marquez.

Idinagdag pa ni Ka Lando na tila ginagamit lamang ng mga LGU ang LTO dahil tila hino-hostage ang registration ng mga private at public utility vehicle owner at operator na natityempuhan sa no-contact apprehension.

Hindi kasi maaaring makapagparehistro sa LTO kung hindi pa nakababayad ng penalty dulot ng violation sa NCAP.

Nagbanta naman si LSCP president, Atty. Ariel Inton na kung babalewalain ng gobyerno ang kanilang suhestiyon, maaaring malagas ang mga bumibiyaheng PUV sa mga kalsada.

Maaari aniyang maparalisa ang public transportation kung natatakot na ang mga driver na pumasada at malugi sa sangkaterbang multa.

Samantala, handa naman ang mga grupo na maghain ng kaso laban sa LTO at mga LGU na nagpapatupad ng no-contact apprehension policy. DREW NACINO