SINUBUKAN kong maghanap online ng listahan ng mga bansang may pinakamabibilis na serbisyo ng internet.
Sa mga ito, ang South Korea, Japan, Hong Kong, Switzerland, at Singapore ay ilan lamang sa mga bansang pirming kasama sa mga listahang aking nakita. Ang mga bansang ito ay mayroon ding pagkakapare-pareho bukod sa pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet. Ang mga ito ay pawang mga mauunlad na bansa.
Ang pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet sa bansa ay malaking tulong sa pagpapaangat ng antas ng pagiging produktibo ng isang mamamayan, at ng lipunan. Noong taong 2020, ang pagkakaroon ng serbisyo ng internet ay naging isang napakalaking bahagi ng ating buhay dahil ito ang nagsilbing tulay ng mga mamamayan sa “outside world” habang kabi-kabila ang ipinatutupad na mga community quarantine, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Ito rin ang naging daan upang patuloy ang mga negosyo na makapaghatid ng produkto at serbisyo nila sa mga konsyumer.
Upang makaiwas sa pandemya, maraming negosyo kagaya ng Manila Electric Company (Meralco) ang sumailalim sa digital transformation upang masigurong ang mga produkto at serbisyo ng kompanya ay maaari pa ring mapakinabangan ng mga customer habang sila ay nasa bahay lamang.
Naging tagumpay naman ang inisyatibang ito ng mga kompanya at iba pang negosyo subalit ang pagkakaroon ng presensya online ay hindi sapat dahil nariyan pa rin ang pangangailangan ng mas mabilis na serbisyo ng internet sa bansa, lalo na’t maraming mga kompanya at mga paaralan ang patuloy na nagpapatupad ng hybrid set-up, kung saan may mga araw na maaaring magtrabaho at makinig sa klase online ang mga empleyado at mag-aaral.
Isa sa mga bagay na kailangan para mapabilis ang serbisyo ng internet sa bansa ay ang maayos at matatag na imprastraktura para rito. Batid ang impormasyong ito, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang nagpahayag ng kautusan ukol sa pagpapabilis ng serbisyo ng internet sa bansa para sa lahat. Binigyang-diin din nya ang pangangailangang siguruhin na walang sinumang Pilipino ang mapag-iiwanan sa inisyatibang ito.
Bilang tugon sa tumaas na demand sa mabilis na serbisyo ng internet dulot ng pandemya, ipinatupad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang common tower policy na naglalayong paigtingin ang ICT services sa ating bansa.
Sa ilalim ng nasabing polisiya, ang pagpapatayo at pangangasiwa ng mga tower sa bansa ay hindi na responsibilidad ng mga telco company. Sa halip na sila mismo ang namumuhunan dito, mayroong mga kompanyang lisensyadong mangasiwa at magpatakbo nito. Sa ganitong sistema, bababa ang gastos ng mga telco sa kanilang operasyon dahil maaari nang maghati-hati ang mga ito sa paggamit ng mga tore. Bilang resulta, lalawak na ang serbisyo, bababa pa ang presyo – isang bagay na tiyak na kapaki-pakinabang para sa mga customer.
Isa sa mga kompanyang miyembro ng industriya ng common tower ang MIESCOR Infrastructure Development Corp. (MIDC). Ito ay isang bagong kompanyang magkasosyong pinatatakbo ng Meralco Industrial Engineering Services Corporation (MIESCOR), isa sa mga subsidiary ng Meralco, at ng Stonepeak, isang global infrastructure investor na base sa Estados Unidos.
Kamakailan, pumirma ang MIDC at Globe Telecom sa isang sale at leaseback agreement na nagkakahalagang P26.2 bilyon. Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ipinagbili ng Globe ang 2,180 na mga tower at iba pang imprastraktura nito sa MIDC. Matapos ang bentahan, ang Globe ay magsisilbing anchor tenant ng naturang mga tower sa loob ng 15 taon.
Ayon kay MIDC Chairman Atty. Ray C. Espinosa, patuloy na magsusumikap at papasok sa iba’t ibang oportunidad ang MIDC upang makamit ang hangarin nitong makatulong sa pagpapaigting ng serbisyo ng connectivity sa bansa at maging isa sa mga pinagkakatiwalaang telco tower operator at nangungunang kompanya sa industriya ng digital infrastructure.
Nawa’y dumami pa ang ganitong pagkakataon para sa mga kompanyang gaya ng MIDC upang mas mabilis na maisulong ang pagpapaigting ng serbisyong ICT sa bansa. Ito ay isa sa mga susi upang mas lalong tumaas ang antas ng pagiging produktibo ng lipunan. Nawa’y balang araw, gaya ng ibang mauunlad na bansang aking nabanggit sa umpisa ng column na ito, ang Pilipinas ay maihahanay na rin sa listahan ng mga mauunlad at may pinakamabibilis na serbisyo ng internet sa buong mundo.