MAG-ASAWA, ANAK MINASAKER

kawit

CAVITE – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-asawang negosyante at anak na babae habang kritikal naman ang isa pang anak makaraang saksakin ng kanilang kapitbahay na lalaki sa Brgy. Congbalay sa bayan ng Kawit, Cavite noong Linggo ng gabi.

Idineklarang patay sa Binakayan Hospital ang mag-asawang Rolando G. Hingada, 71-anyos; Angelita D. Hingada, 63: at kanilang anak na si Roan H. Andres, 45-anyos, na pawang nakatira sa nasabing barangay.

Nakikipaglaban naman kay kamatayan ang isa pang anak ng mag-asawa na si Rolito D. Hingada, 47-anyos, na nagtamo ng ilang saksak sa tiyan, dibdib at ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nasakote naman ng pulisya ang suspek na si Jeraldson “Butch” Villamater, 35-anyosna kasalukuyang pinag-aaral pa ng mga awtoridad kung isasailalim sa drug test dahil sa sinasabing may dating kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Sa inisyal na police report ni P/MSgt. Erwin Clerigo na isinumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, lumilitaw na nakaupo ang biktimang si Roan sa labas ng kanilang bahay nang lapitan at pagsasaksakin ng suspek.

Hindi na nakuntento ang suspek sa pananaksak ay sinugod pa ang mag-asawang Hingada at anak na si Rolito sa loob ng kanilang bahay saka inundayan ng sunod-sunod na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kaagad naman nausugod sa nasabing pagamutan ang mga biktima subalit idineklarang patay ang mag-asawa at anak na babae habang kritikal naman ang isa pang anak na lalaki.

Nabatid sa unang imbestigasyon ng pulisya na ang suspek ay sinasabing pinagbibintangang ng mga biktima na gumagamit ng bawal na droga kaya nairita at nagalit ito sa pamilya Hingada at isinagawa ang pananaksak. MHAR BASCO