LANAO DEL NORTE- KULUNGAN ang binagsakan ng mag-asawang drug dealer makaraang makumpiskahan ng 2 kilong shabu sa isinagawang buy- bust operation ng mga awtoridad sa Sultan Naga Dimaporo ng lalawigang ito kamakalawa.
Isinalang sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Asna Minalang, 32-anyos; at Jamalodin Musa Odin na kapwa residente sa nasabing bayan.
Nabatid na putok na ang pangalan ng mag-asawang nagbebenta umano ng bulto-bultong iligal na droga sa Sultan Naga Dimaporo.
Sa pahayag ni Lanao del Norte Provincial Police Office spokesperson Maj. Salman Saad, isinagawa ang buy-bust operation gamit ang P2.8-milyong boodle money laban sa mag-asawa kung saan nasamsam ang dalawang kilong shabu na may street value na P6.8-milyon.
Kasalukuyang isinailalim sa drug test ang mga suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.