LAGUNA—HINDI umubra ang modus ng mag-asawa makaraang mabuking at maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) nang tangayin at kidnapin ang isang taong gulang na anak na babae ng isang complainant sa Biñan ng lalawigang ito.
Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng mga suspek na nakilalang sina Eleser at Charito Sause ng Block 9, Lot 2, Phase 3, Metroville Complex, San Francisco, Biñan City, Laguna.
Ayon sa complainant na si Nadjullah Rashid, inilagak lamang niya ang anak na si Alliyah sa kanyang ina na si Seda Sybil na nagkataong mayroong utang na P7K sa suspek na si Charito.
Ayon sa NBI, hiniram ng suspek ang anak ni Rashid sa kaniyang ina at nang kunin ay tumanggi na ang suspek na isauli ang sanggol.
Para makuha, P1 milyon umano ang hinihingi ng mga salarin kaya agad na umulog na ang complainant sa NBI upang ireklamo at ipaaresto ang mga suspek.
Sa tulong ng social welfare and development officer ng Biñan, Laguna ay isinagawa ng NBI ang pagdakip sa mga suspek at pag-rescue sa bata.
Kasong paglabag sa Article 270 ng Revised Penal Code o “Kidnapping and Failure to Return a Minor” ang kinakaharap ng mag-asawang Sause sa piskalya. PAUL ROLDAN
Comments are closed.