MAG-IINA PATAY, 1 SUGATAN SA SUNOG

PATAY ang isang 33-anyos na ina at ang kanyang dalawang musmos na anak habang sugatan naman ang isang senior citizen sa sunog na tumupok sa 50 kabahayan nitong Sabado sa Taguig.

Kinilala ng Taguig City Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nasawi na sina Ivy Berde, at ang kanyang dalawang anak na sina Chris Vynyrd Mata, 3-anyos at Chris Jhayvien Mata, 2-anyos na residente ng Sta. Barbara Street, Barangay Calzada, Taguig City.

Sugatan naman ang nagmamay-ari ng bahay na si Obdulia Delos Santos, 62-anyos na agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng karampatang lunas ang kanyang tinamong sugat at paso sa katawan.

Base sa imbestigayon ng Taguig BFP, nagsimula ang sunog sa bahay ni Delos Santos dakong alas-9:49 ng umaga.

Ayon sa mga saksi na residente rin ng lugar, mayroong umanong nag-spark sa bahay ni Delos Santos at dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay sa lugar ay mabilis na kumalat ang apoy na nakaapekto sa 100 pamilya at 150 indibidwal na nawalan ng kanilang tirahan.

Sa panayam sa biyenan ni Berde na si Esper Mata, nagawa pa umanong ibigay sa kanya ni Ivy ang kanyang 4-buwang anak at binalikan pa sa ikalawang palapag ang naiwang dalawa pang anak ngunit hindi na rin nakalabas ito dahil sa naglalagablab na apoy na mabilis na tumupok sa kanilang bahay.

Naapula ang apoy dakong alas-11:03 ng umaga at idineklara naman ang fire out ng alas-11:59 ng tanghali.

Nagkakahalaga ng P350,000 ang pinsala ng ari-ariang natupok ng apoy samantalang patuloy pa ring iniimbestigahan ng arson probers ang sanhi ng naturang sunog. MARIVIC FERNANDEZ