Marami sa ating mga kababayan ang nabibiktima ng mga loan scams ngayon. Dahil sa hirap ng buhay, kumakapit sa patalim ang marami para magkaroon ng cash na pambayad sa mga pangangailangan.
Marami ang nagsasamantala sa kahirapan ng iba. Kasama na rito ang mga loan scammers. Kabilang diyan ang mga naniningil ng sobrang taas na interes o nanghaharass ng mga kliyente.
Maging matalino sa pagpili ng kumpanyang uutangan, kung sakaling mangailangan ka.
Bago mangutang, i-research muna ang kompanya at basahing mabuti ang loan agreement o kontrata. Iwasan ang mga kompanya na walang pisikal na address ng opisina, walang website, at kaduda-duda ang reputasyon.
Kung nakalagay sa fine print ang mga fees o bayarin na sinusubukang itago, iwasan ito. Kung naniningil ng paunang bayad bago i-process o i-approve ang iyong loan, huwag mong ituloy ang paghiram. Maging maingat din sa mga kompanyang nagsasabing garantisado ang pag-approve sa iyong loan application o yaong mga hindi nagke-credit check bago i-approve ang application.
Kung minamadali kang tanggapin ang offer, halimbawa ay may binibigay na deadline o expiration ng offer, mag-ingat din. Para sa mga legit lenders, bibigyan ka ng mga ito ng sapat na panahon para makapag-isip at mapag-aralang mabuti ang terms ng loan.
Panghuli, kung kokontakin ka ng mga lender para mag-offer ng iba’t ibang loan products sa telepono, text, o email, mag-ingat. Ang mga legit lenders ay hindi mag-ooffer ng anumang produkto sa mga first-time borrowers o mga tao na hindi pa nila na-screen o na-credit check.
Huwag magbibigay ng personal information, financial information, kopya ng mga valid documents kagaya ng ID, passport, driver’s license, at inyong mga larawan dahil maaaring magamit ito sa hindi magandang paraan.