Mag-update ng record para iwas hassle sa benefit availment!

“Bagong kasal ako, kailangan ko bang i-update ang PhilHealth records ko?”

– Bernard
Kapalong, Davao del Norte

Bernard, ang ganda ng tanong mo. Paalala namin sa ‘yo at sa lahat ng ka-PhilHealth natin na kapag may pagbabago sa personal information mo tulad ng pangalan, address, employer, at sa iyong eligible dependents / beneficiaries, civil status, mas mabuting agad na mag-update ng PhilHealth membership record. Importante ito para mapadali ang verification ng iyong membership kung gagamit ng benepisyong PhilHealth.

Madali lang mag-update, Bernard. Kailangan mo lang mag-submit ng PhilHealth Member Registration Form o PMRF. Ito ay makukuha sa lahat ng ­aming tanggapan o kaya sa aming website. Mas madali kasi itong i-download sa www.philhealth.gov.ph. Bernard, libre ito ha. Walang bayad sa PhilHealth office ka man kumuha o sa website.

Para i-update ang iyong civil status, ifill-up nang tama ang PMRF at mag-attach ng kopya ng marriage certificate o contract bago i-submit sa aming opisina. Sa form, check ang  “Married.” Paalala lang din, Bernard, sa “Purpose” section ng PMRF ay i-check mo ang “Updating/Amendment” box ha?

Alam mo bang pwede mo ring i-­declare bilang dependent ang iyong ­asawa? Walang dagdag-bayad ‘yan sa premium contribution! Dapat lang ay wala siyang aktibong PhilHealth membership para maging dependent mo. Lahat ng benepisyo mo, Bernard, ay magagamit ni misis. At kung kayo ay magkaroon na ng mga babies, kahit ang inyong magi­ging anak ay pwedeng ideklara bilang dependent. Birth certificate lang, okay na!  Maaari mo ring i-declare ang iyong mga magulang na may edad 60 o pataas at hindi aktibong miyembro ng PhilHealth.

Sana ay nakatulong kami sa ‘yo, Bernard. Dalangin namin ang inyong masaya at mahabang pagsasama ni misis. Best wishes at congratulations muli!

MAY TANONG TUNGKOL SA INYONG PHILHEALTH?

Tumawag sa PhilHealth 24/7 hotline 8662-2588.  Bukas anumang oras at araw, pati weekend at holiday!

Matatawagan din kami sa mga numerong 0998-8572957, 0968-8654670, 0917-1275987, at 0917-1109812. Pwede niyo na ring ma-reach ang PhilHealth mula sa website! Pindutin lang ang Click-to-Call icon na makikita ka­pag nag-login sa www.philhealth.gov.ph.

BALITANG REHIYON

Nagsagawa ng Information Education Campaign at Konsulta Orientation ang ­PhilHealth Local Health Insurance Office Lucena para sa mga Senior Citizens ng Barangay Bukal, Pagbilao, Quezon sa pakikipagtulungan ng Rural Health Unit dito.