MAG-UTOL NAMBUGBOG AT NAGNAKAW SA PULIS TIKLO

arestado

CALOOCAN CITY – ARESTADO ang magkapatid na inakusahang nambugbog at nagnakaw sa isang aktibong pulis sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Noel Flores ang mga nadakip na suspek na si Wilfredo, 41, at Felizardo Nidoy, 38, kapwa nakatira sa CF Natividad, Mapulang Lupa, Valenzuela City at umano’y isang miyembro ng “jumper boys” na kilalang nangunguha ng mga gamit sa cargo trucks.

Lumabas sa imbestigasyon, alas-9 ng gabi, pauwi na ang biktimang si P/Cpl. Jonathan Arenas, 34, ng Camarin, na nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group, Cam Crame, Quezon City, nang paluin ng isa sa mga suspek ang hood ng kanyang minamanehong sasakyan sa kanto ng Sitio Gitna P. Dela Cruz at MGM Compound, Brgy. 166 Kaybiga.

Bumaba si  Arenas at kinompronta ang isa sa mga suspek subalit biglang hinataw ng dalawang beses ng isa sa mga suspek ng matigas na bagay sa ulo ang biktima na sanhi ng pagbagsak ng biktima.

Naaktuhan naman ang kaguluhan nina P/Cpl Ramon Rivera at Pat. Joshua Ramacula ng PCP 6 na nagsasagawa ng police visibility sa lugar sakay ng mobile car na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Sa pahayag ng ina ng biktima na si Kagawad Claudia Arenas, 57, ng Brgy. Kaybiga, Caloocan, na ang cellphone ng kanyang anak, wallet na naglalaman ng pera at ATM card ay marahil na tinangay na ng kasama ng mga suspek. VICK TANES

Comments are closed.