MAGANDANG BALITA PARA SA MGA KASAMBAHAY

MAY dagdag sa sahod ang mga kasambahay dahil naaprubahan ng Department of Labor and Employment ang minimum wage ng mga kasambahay.

Ang dating P5,000 na buwanang suweldo nila ay P6,000 na ngayon. Kapag aprubado na ito sa National Wages and Productivity Commission, ipatutupad na agad ito labinlimang (15) araw matapos na lumabas ang anunsiyo sa isang pambansang pahayagan.

Ang umento ay ipatutupad sa lahat ng rehiyon sa bansa, maliban na lamang sa Calabarzon at SOCCSKSARGEN dahil pinag-uusapan pa umano sa mga lugar na ito ang tungkol sa isyu.

Marami ang natuwa sa balita, dahil siyempre bukod sa libreng pagkain at bahay para sa mga kasambahay, mas malaki na ngayon ang maiuuwi nilang pera para sa kanilang mga pamilya. Ang iba naman ay napa-sanaol na lang—sana raw ay may increase din ang kita ng mga drayber dahil sa taas ng gasolina at iba pang bilihin sa panahong ito.

o0o

Dahil naman sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni outgoing Health Secretary Francisco Duque III na dapat pa ring ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Hindi lamang daw umano ito nakatutulong na maiwasan ang COVID-19, panangga rin ito sa mga sakit na kagaya ng influenza, pneumonia, at ang bagong kinatatakutang sakit na monkeypox.

Hinihikayat ang lahat ng magpa-booster shot kung wala pa kayo nito. Patuloy tayong umiwas sa matatao at kulob na mga lugar, ugaliin ang madalas na paghuhugas ng kamay, at palakasin ang resistensiya sa pamamagitan ng pagkain ng tama, pagpapahinga at pagtulong nang sapat, pag-eehersisyo, pagpapaaraw, at pag-iwas sa stress o pagkabalisa.