(Pagpapatuloy)
ANG partisipasyon sa politika at lipunan ay kailangang maging bahagi ng isang inklusibo at malayang kapaligiran para sa ating mga kabataan.
Ating payagan ang mga kabataan na itaguyod ang mga pagbabago na nais nilang makamtan at tumulong sa pagpayabong ng ating kapaligiran at lipunan upang ang mga ito ay makatugon sa kanilang mga tiyak na pangangailangan.
Ang larangan ng ekonomiya at pagnenegosyo ay hindi laging bukas sa mga kabataan, lalo na sa mga mahihirap at hindi tanggap o marginalized tulad ng mga kababaihan, mga miyembro ng LGBTQ community, mga kabataang migrante, at iba pa. Habang hinaharap ng mundo ang samu’t saring hamon dala ng digmaan, pagtaas ng mga bilihin, at pandemya, ang mga oportunidad pagdating sa pangkabuhayan ay mas bihira nang makamtan ng karamihan, lalo na ng mga manggagawa na karaniwan ay kulang sa karanasan o edukasyon.
Hindi lang ang Pilipinas ang nakararanas ng paglobo ng pagkakautang; noong 2021, ang Institute of International Finance ay nagtala na ang global debt ay nakaabot na ng $296 trilyon na siyang pinakamataas mula pa noong World War II.
Ano ang ibig sabihin nito? Habang sinusubukan ng gobyerno na bumuo ng pondo upang mabayaran ang mga utang, maaaring babaan ang paggasta sa ibang bagay gaya ng edukasyon, kalusugan, at proteksiyong panlipunan. Sa yunit ng pamilya, bawat tahanan ay mapipilitang magbawas din ng paggastos pagdating sa mga importanteng bagay tulad ng pagkain at kalusugan—na kasalukuyang ginagawa na ng libo-libong pamilyang Pilipino.
Hindi maipagkakaila na ang gobyerno ay may malaking papel sa paniniguro na ang kabataan ay may sapat na oportunidad na pangkabuhayan. Ngunit ang mga negosyo o ang pribadong sektor ay may malaki ring bahaging kailangang gampanan. Ang paggawa ng mga oportunidad panghanapbuhay at pagsuporta sa mga social entrepreneurship ecosystems ay dalawa lamang sa maraming hakbang na maaaring gawin ng pribadong sektor upang makatulong sa mga kabataan.