MAGANDANG PAMAMALAKAD NG MMDA

Magkape Muna Tayo Ulit

SA TOTOO lang, ang isa sa palaging nasa ulo ng balita at usapin sa mga ahensiya  ng gobyerno ay ang MMDA o Metropolitan Manila Development Authority. Ang nasabing ahensiya ay inatasan na ayusin ang daloy ng trapiko sa buong Metro Manila na may populasyon na mahigit na 13 milyon.

Ayon sa pag-aaral noong 2019 ng Asian Development Bank (ADB), lumalabas na ang Metro Manila ay ang “most congested city” sa 278 na lungsod sa Asya. Batay sa LTO, ang NCR ang may pinakamalaking bilang ng mga rehistradong sasakyan sa Filipinas na tinatayang nasa 1,644,932. Wala pa rito ‘yung mga pasaway na may-ari ng sasakayan na ginagamit maski na hindi rehistrado. Malas na lang nila kapag natiyempuhan sila ng mga alagad ng batas.

Sa madaling salita, ang papel ng MMDA ay ang maging tulay sa 16 na lungsod  at isang munisipalidad  na bumubuo ng Metro Manila. Nagsasagawa ang MMDA ng ugnayan at koordinasyon sa lahat ng LGUs ng NCR para sa mga polisiya na magkaroon ng implementasyon na mag-aayos sa daloy ng trapiko sa Metro Manila. Kasama din dito ang waste management, climate change at disaster prevention. Ang layunin nito ay upang umangat ang kalidad ng buhay ng mga residente ng Metro Manila. Hindi biro ang trabaho ng MMDA. Hindi rin biro ang pondong kailangan upang magawa ang nasabing mga layunin.

Kaya naman ako ay natuwa nang mabalitaan ko na ang MMDA ay ginawaran ng highest audit rating ng Commission on Audit (COA) para sa 2019. Ito ang kauna-unahang iginawad ng COA sa loob ng 45 na taon. Binigyan ng COA ang MMDA ng “unqualified audit opinion” sa magandang paghain ng kanilang financial statements para sa fiscal year 2019.

Ang “unqualified audit opinion” ay nangyayari pagkatapos magsagawa ang COA ng mabusising pagtingin kung papaano ginastos ng isang ahensiya ng pamahalaan ang pondo ng bayan na nakalaan sa kanila at nakita ng COA na maayos at alinsunod sa lahat ng pamamaraan ang paggamit ng nasabing pondo.

Kaya nga madalas may mga inilalabas ang COA na ulat at nakukuha ng media na tinatawag na ‘COA Report’. Kadalasan,  ang mga lumalabas sa COA Report ay mga katanungan sa mga ibang ahensiya ng gobyerno na tila hindi sumunod sa wastong paggastos ng public funds.

Ikinagalak ni MMDA Chairman Danilo Lim ang pagkilala ng COA sa mga nagawa nilang reporma mula nang siya ay umupo bilang chairman ng nasabing ahensiya. Ang paggawad ng COA sa MMDA ay patunay lamang na maayos ang paggastos ng public funds sa lahat ng proyekto sa ilalim ng MMDA.

Para naman kay MMDA general manager Jojo Garcia, ang magandang balitang ito ay nangyari dahil sa magandang pakikipagtulungan ng mga opisyal at empleyado ng MMDA lalong-lalo na sa opisina ng Finance and Administrative Services na pinamumunuan ni Assistant GM Atty. Romando Artes. Siya kasi ang punong abala sa lahat ng financial record na isinumite nila sa COA.

Matatandaan na noong pumasok si Lim bilang chairman ng MMDA, matagumpay na nahikayat ang lahat ng mayors ng Metro Manila na magkaisa upang magsagawa ng mga proyektong ikabubuti ng mga residente ng NCR. Dati kasi ay hindi gaanong taos puso ang kooperasyon ng mga mayor ng Metro Manila sa pamunuan ng MMDA. Marahil ay nararamdaman nila na ang mga dating namuno ng MMDA ay maaaring may political agenda at kinakasangkapan lamang sila. Marahil ay hindi nila ito nakikita kay Chairman Danny Lim.

Comments are closed.