MAGHANDA SA BAGYO

ORO MISMO

TAG-ULAN na!

Opisyal na ngang idineklara ng Pagasa (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ang tag-ulan sa bansa.

Ayon sa Pagasa, ang mga pag-ulan lalo na sa bandang hapon na dulot ng habagat ay senyales ng pagsisimula ng panahon ng tag-ulan.

Mas magiging madalas pa raw ang pag-ulan lalo na sa pagsapit  ng Hulyo sa Luzon at Visayas habang generally below normal sa karamihan ng lugar sa Mindanao at Southern Visayas.

Ayon pa sa Pagasa, posibleng 10 bagyo ang tumama sa bansa mula ngayong Hunyo hanggang Nobyembre 2019.

Ang mga bagyo ay natural lamang na tumama sa mga bansang napapaligiran ng karagatang Pasipiko kagaya ng Filipinas. Nagsisimula ito sa buwan ng Mayo at kalimitan na nagtatapos sa buwan ng Disyembre.

Madalas na nabubuo ang mga bagyo sa karagatang Pasipiko at dinaraanan ng mga ito ang mga bansang Taiwan, Tsina, Timog Korea, Japan, Filipinas, Carolina Isla at Vietnam, lumalakas din ang mga ito dahil sa habagat  na nanggagaling sa mga bansang Indonesia at India.

Hindi natin ganap na maikukumpara ang lakas at pinsala ng bawat bagyong dumadaan sa ating bansa. Sariwa pa sa alaala ng mga residente sa Leyte at Samar ang idinulot na lagim ng super typhoon  Yolanda.

Isa ito sa mga hindi makalilimutang  bagyo sa kasaysayan ng Filipinas dahil nagdulot ito ng malawakang pagkasira sa buong Visayas,  kasama na rito ang ilang probinsiya sa Luzon,

Nanalasa si ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013 sa Silangang ng Samar at Leyte. Maituturing si ‘Yolanda’ na isang delubyo. Isa pa sa mapaminsalang bagyo ay si super typhoon Lawin na nagpadapa sa ilang lugar sa Isabela, Caga­yan at Ilocos region.

Ang bagyong  Ondoy naman ay nagpalubog sa ilang bahagi ng Luzon at Kamaynilaan noong Setyembre 26, 2009. Mala-delubyong pagbaha ang naranasan ng mga taga-Rizal, Marikina, Pasig at ilan pang mga bahagi ng Maynila dahil sa pag-apaw ng tubig ulan na dala ni ‘Ondoy’.

o0o

Inilalabas ang public storm warning para bigyan ang publiko ng babala sa pagdating ng masamang panahon, lalo na tungkol sa lakas o signal ng bagyo.

Sa oras na maibigay ang storm signal, posibleng hindi pa maramdaman sa nabanggit na lugar ang masamang lagay  ng panahon.  Mayroong palugit o lead time na ibinibigay  sa paglalabas ng isang public storm signal.

Sa Public Storm Warning Signal No. 1, inaasahan ang pagsama ng panahon sa loob ng 36 oras. Expected naman ang pagsama ng panahon sa loob ng 24 oras sa sandaling mailabas ang Public Storm Warning Signal No. 2.

Posible ang pagsama ng panahon sa loob ng 18 oras sa sandaling mailabas ang Public Storm Warning Signal No. 3. Ibayong paghahanda ang gawin dahil inaasahanan ang pagsama ng panahon sa loob ng 12 oras kapag itinaas  ang Public Storm Warning Signal No. 4.

o0o

Nagbigay naman ng tagubilin ang Philippine Red Cross na dapat na isagawa ng publiko ang 4Ps o ang Predict, Plan, Prepare at Practice.

Mas makabubuti rin daw kung maghanda ang mga mamamayan ng 72-hour safety kit, na dapat na may kasamang pagkain, tubig, emergency tools, mga gamot, pera at mahahalagang dokumento.

Dapat ding  panatilihin ng publiko ang tamang hygiene at sanitation upang makaiwas sa leptospirosis, dengue fever, cholera, sore eyes, diarrhea, sipon at trangkaso.

Kung kayo ay naka­tira sa tabing ilog at mababang lugar, pagbaha ang dapat na bantayan. Kung kayo naman ay nakatira sa mataas na lugar pero nasa gilid o tabi ng burol o bundok, maaa­ring landslide o pagguho ng lupa ang dapat pag­handaan.

Comments are closed.