MAGIC ‘DI UMUBRA SA CELTICS

NAITALA ni Jaylen Brown ang 21 sa kanyang  career-high 50 points sa fourth quarter at kumalawit ng  11 rebounds upang tulungan ang Boston Celtics na malusutan ang bisitang Orlando Magic para sa 116-111 overtime win nitong Linggo ng gabi.

Abante ang Boston sa 110-104, may 1:11 ang nalalabi sa extra period.  Nakalapit ang Orlando sa  110-109 matapos ang free throw ni Wendell Carter Jr., may 42.4 segundo sa orasan, subalit ibinigay ni Al Horford ang winning basket sa kanyang 3-pointer, may  27.4 segundo ang nalalabi.

Tumipa si Dennis Schroder  ng 21 points at 7 assists sa kanyang pagbabalik mula sa COVID-19 health and safety protocol ng NBA at nagdagdag si Marcus Smart ng  17 points para sa Celtics.

Nagbuhos si Terrence Ross ng  season-high 33 points mula sa bench at umiskor si Gary Harris ng 23 upang pangunahan ang Orlando, na nasayang ang 14-point lead sa huling bahagi ng fourth quarter upang malasap ang ika-5 sunod na kabiguan.

RAPTORS 120,

KNICKS 105

Naiposte ni Fred VanVleet ang 19 sa kanyang 35 points sa third quarter at ginapi ng host Toronto ang kulang sa taong New York.

Kumana si VanVleet ng  7-for-13 sa 3-point attempts at kumalawit din ng 5 rebounds at nagbigay ng 5 assists sa pag-iskor ng mahigit 30 points sa ikalawang sunod na laro. Nagdagdag si Pascal Siakam ng 20 points, 14 rebounds at 7 assists para sa Toronto na nanalo ng ikalawang sunod.

Kumabig si Evan Fournier ng  20 points para sa Knicks,  na nakumpleto ang kanilang  road trip sa 2-2. Nag-ambag sina RJ Barrett at Obi Toppin ng tig-19 points, gumawa si  Quentin Grimes ng 13 at nagtala si  Alec Burks ng 11.

SUNS 133,

HORNETS 99

Kumamada si Devin Booker ng 24 points upang tulungan ang Phoenix na pataubin ang host Charlotte.

Sumalang ang Suns na galing sa talo sa tatlo sa kanilang huling apat na laro upang mapatalsik sa top spot sa Western Conference. Kumubra si  Jalen Smith ng 19 points para sa Suns, habang nagdagdag sina  reserve Landry Shamet ng 17 points, Mikal Bridges ng 15, Cameron Johnson at Cameron Payne ng tig-14 points.

Tumabo si LaMelo Ball ng 17 points para sa Hornets, habang nagdagdag sina Kelly Oubre Jr. ng 15 at Ish Smith ng 13 para sa Charlotte, na naputol ang  three-game winning streak.

Sa iba pang laro ay pinataob ng Lakers ang Timberwolves, 108-103; ginapi ng Cavaliers ang Pacers, 108-  104;  dinispatsa ng Mavericks ang Thunder, 95-86; at nadominahan ng Kings ang Heat,  115-113.