(Maging ang bagong BuCor chief hindi exempted) PAGGAMIT NG CELLPHONE SA NBP BAWAL NA

Cellphone

MAGING ang bagong upong hepe ng New Bilibid Prison na si Bureau of Corrections (BuCor) Director Ge­rald Bantag ay hindi exempted sa paggamit ng mobile phone habang nasa loob ng nasabing facility upang maging isang ehemplo sa lahat ng mga personnel.

Layon nito, ani Bantag, pamarisan siya ng lahat ng personnel sa loob ng NBP dahil bilang bagong BuCor chief ay ipagbabawal nito ang pag-gamit ng mobile phones habang nasa loob ng facility na kadalasang nagagamit sa korupsiyon.

“‘Yun po ay maging istrikto lang sa paghalughog niyan, kunin lahat ng cellphone, pati po mga personnel dapat wala na rin para po… may mga rason po ‘yan eh. May mga dalang cellphone, baka po dalawa. Hindi natin sawatahin ‘yung ganiyang practice, pagpasok po nila diyan, puwedeng ibenta,” pahayag ni Bantag.

Pahayag pa ni Bantag na ang naturang hakbang ay para sa lahat ng personnel ng BuCor at pati na rin sa kanyang sarili.

Inihayag din nito, sisimulan na rin nila ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa mga personnel ng NBP na sangkot sa corrupt practices.

“Sa ngayon po, maaari po natin silang imbestigahan kung sino po ‘yung involved, si­yempre hindi naman po fair ‘yun na lahatin kung hindi naman involved ‘yung iba,” ayon kay Bantag.

Matatandaan na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bantag bilang bagong BuCor chief noong nakaraang linggo kapalit ni Nicanor Faeldon matapos na ito ay masabit sa kontrobersya sa pagpalaya sa mga convicts na sangkot sa heinous crimes.

Si Bantag ay ang dating Parañaque City Jail Warden noong 2016 na nasangkot sa pagpapasabog ng granada sa loob ng naturang facility na ikinamatay ng 10 inmates. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.