MAGING RESPONSABLENG BAKASYUNISTA

MATAPOS ang dalawang taon sa kasagsagan ng pandemya, sinusubukan ng turismo sa bansa na makabawi at makapanghikayat ng mga bakasyunista at turista upang mag-ikot sa Pilipinas.

Suportado ng mga programa ng Department of Tourism (DOT) ang pagbangon ng turismong mas matatag, maka-kalikasan, abot-kamay, at mas nakasasaklaw sa lahat. Nito lamang Abril ay naging punong-abala tayo para sa 21st Global Summit of the World Travel & Tourism Council.

Nominado rin ang Pilipinas sa 29th World Travel Awards para sa mga sumusunod na kategorya: Asia’s Leading Beach Destination 2022, Asia’s Leading Dive Destination 2022, Asia’s Leading Tourist Attraction 2022 – Intramuros, Philippines, Asia’s Leading Tourist Board 2022 – Philippines Department of Tourism, at Asia’s Leading Wedding Destination 2022 – Cebu, Philippines. Hinihikayat ang lahat upang bumoto rito: https://www.worldtravelawards.com/register

At sa pagsisimula nating maglibot na muli, may paalala ang Department of Health (DOH): Patuloy na magsuot ng face mask, mag-isolate kung maysakit, magpabakuna at magpa-booster, at siguruhin ang magandang daloy ng hangin sa kapaligiran. Bunsod ito ng pahayag ng DOH na maaaring kumakalat na ang Omicron BA.5 strain ng COVID-19 virus, matapos na ito ay ma-detect kamakailan dito sa bansa.

Bukod sa pagiging maingat sa ating kalusugan, mahalaga ring maging maingat at maalaga sa kalikasan o kapaligiran sa ating pagbisita sa mga tourist spots, mga isla, beach, at iba’t ibang komunidad sa bansa.

Hinihikayat ng DOT ang lahat na maging “zero-waste warrior at eco-staycationer” sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan, pagtatanim ng puno, pagtulong sa mga lokal na komunidad, pagdadala ng mga bote, bag, at kubyertos na maaaring magamit muli (reusable), at iba pa.
(Itutuloy)