CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na umabot pa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan at pagsalubong ng Bagong Taon ang magkapatid na sumali sa family reunion sa Barangay Talaba, Alubijid, Misamis Oriental.
Ito’y matapos kapwa nalunod ang magkapatid na sina Junriel at Romjay Jumanay, parehong nasa legal na edad at nakatira sa nasabing lugar.
Inihayag ni S/Insp. Lester Ceriales, hepe ng Alubijid Police Station, bago naligo ang mga biktima kasama ang kanilang ibang pinsan ay napasabak muna sila sa inuman session.
Sinabi ni Ceriales na nagkayayaan ang mga biktima at pinsan ng mga ito na maligo kung saan kahit pawang lasing na sila.
Napadpad umano ang magkapatid sa malalim na bahagi ng dagat, na nagresulta sa kanilang pagkalunod.
Kaagad pinaghahanap ng mga kaanak at mga awtoridad ang mga biktima subalit pareho na itong sumakabilang-buhay.
Samantala, kumbinsido ang pulisya na walang nakikitang foul play na maaaring maturo na dahilan kung bakit nalunod ang mga biktima.
Nakaligtas naman ang ilan sa mga pinsan ng magkapatid na kabilang din sa mga nalunod. PILIPINO Mirror Reportorial Team