CAVITE – PATAY ang magkasintahan matapos malunod at makagat ng dikya sa karagatang sakop ng Tanza.
Sa report ni Supt. Armandy C. Dimabuyu, Cavite Provincial Director Police Maritime, nangyari ang insidente kamakalawa sa karagatan na sakop na Brgy. Julugan 6 ng bayang ito.
Kinilala ang magkasintahan na sina alyas Christian, 21-anyos at alyas Rosebeth ng Brgy. Daang Amaya 2.
Ayon kay John Pacumio, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head, naunang natagpuan ang katawan ng lalaki bandang alas-11:45 ng umaga, habang ganap na alas-12:29 ng tanghali naman natagpuan ang katawan ng dalaga sa tulong ng Bantay-Dalampasigan at Police Maritime.
Hinihinalang nakagat muna ng dikya ang dalawang biktima dahil sa nakitang mga bakas sa mga katawan nito bago nalunod na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Nakuha pang maisugod sa Family Clinic Hospital ang magkasintahan subalit idineklara ni Dr. Maria Margarita Mendoza na dead on arrival dahil sa malubhang allergic reaction na tinamo ng mga biktima. SID SAMANIEGO
Comments are closed.