MAGKUMPARE NAGDIWANG NG FATHER’S DAY, 1 NALUNOD

nalunod

ISABELA – ISANG lalaki ang nalunod habang ligtas ang kanyang kumpare na kanyang nakainuman sa  isang water impounding facility sa Barangay Bacolod, Cauayan City.

Nakilala ang nasawi  na si Felipe Bautista, 40, may asawa, ng Barangay Bacolod, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa Cauyan CITY  Rescue 922, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang nagmagandang loob na naninirahan malapit sa pinangyarihan ng insidente na umano’y may isang nalulunod na lalaki sa malalim na bahagi ng water impounding facili­ty.

Kaagad namang nagtungo ang rescue team sa naturang lugar kung saan ay mabilis na naiahon ang biktima at naisugod sa Cauayan City Hospital subalit idineklara ng manggagamot na dead on arrival ang naturang lalaki.

Napag-alamang nagkayayaan ang magkumpare dahil sa “Fathers Day’’ noong Linggo kaya sila nag-inuman sa gilid ng water impounding facility.

Naisipan umano ng biktima na maligo sa water impounding facility, subalit napunta umano sa malalim na bahagi si Bautista at nalunod. IRENE GONZALES