MAGPINSAN NAHULOG AT NALUNOD SA “MINI HYDRO”

mini hydro

ISABELA – DALAWANG bata na may edad na 9 at 10 ang nasawi nang mahulog at malunod sa isang ‘’Mini Hydro’’ sa may purok 5, Villa Beltran, Ramon.

Kinilala ang magpinsan na biktima kapwa mag-aaral na sina Brix Xavier Fernandez, 10, at si Sweeizel Galindo, 9, pawang residente ng Purok 5, Bugallion Proper, Ramon.

Naglalaro ang magpinsan sa gilid ng mini hydro  alas-4:30 ng hapon nang aksidenteng mahulog ang dalawa, sinikap na sagipin ng ilang mga residente na nakakita sa aksidente subalit malakas at malalim ang lugar na kinahulugan ng dalawang biktima.

Mabilis namang nagsagawa ng search and rescue operation ang mga kasapi ng PNP Ramon at Rescue 316 ng bayan ng Ramon, Isabela.

Narekober ang dalawang bangkay ng mga biktima na wala nang buhay ala-1:30 ng mada­ling araw kahapon na ilang kilometro ang layo sa pinangyarihan ng aksidente.

Payo naman ng pamunuan ng PNP Ramon na pagsabihan ng mga magulang ang kanilang mga anak na huwag maglaro sa gilid ng irrigation kanal o malapit sa mini hydro, upang maiwasan ang pagka-hulog at pagka-lunod ng mga nagla­larong bata. IRENE GONZALES

Comments are closed.