MAYNILA – MULING nagbabala si Labor Secretary Silvestre Bello III sa mga recruitment agency na nagpapadala ng menor sa labas ng bansa bilang domestic helper na bantad sa pang-aabuso.
Pahayag ni Bello na mayroong ahensiya na pinepeke ang edad upang makapagpadala ng trabahador sa ibang bansa upang makakuha ng komisyon.
Aniya, maraming ahensiya ang nais na menor dahil kaya nilang lokohin ang mga ito sa suweldo.
Ginawa ni Bello ang hakbang kasunod ng pagkadiskubre na ang 83 na napauwing OFWs mula Riyadh, Saudi Arabia ay pawang 17-anyos lamang.
“‘Yung agency na nag-deploy sa minor ay ipapakansela natin ang kanilang lisensiya dahil sa ilegal na pagpapadala ng isang household service worker na underage, biro mo mahigit 15 years old lang ‘yung pinadala n’ya. Maliwanag na kalokohan itong ginawa ng agency na eto, walang karapatan na maging agency ‘yan walang karapatang magkaroon ng lisensiya dapat ikansela agad,” ayon kay Bello.
Ayon sa isang napauwing Pinay domestic helper, umaming 15-anyos lang siya nang maipadala sa Saudi.
Dahil aniya bata pa siya ay hindi siya pinasuweldo ng mabagsik na amo.
Nakatikim din siya ng pangmamaltrato gaya ng pagpapatulog sa kanya sa rooftop. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM