PINALAGAN ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang panukalang patawan ng buwis ang pinakamayayamang indibidwal sa bansa.
Ayon kay Dominguez, ang naturang panukala ay magtataboy lamang sa mga investor at maghihikayat ng pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.
Sinabi ng Department of Finance (DOF) na sumulat na si Dominguez kay Speaker Lord Allan Jay Velasco at sinabing, “the proposed House Bill (HB) No. 10253 would defeat its purpose of generating more revenues.”
Layon ng HB 10253 na ipag-utos ang pangongolekta ng individual wealth taxes na 1% hanggang 3% mula sa mga bilyonaryo na may taxable assets na P1 billion o higit pa.
Sa ilalim ng panukala, epektibo sa Enero 1, 2022, ang mga may kayamanan na mataas sa P1 billion ay papatawan ng 1% na buwis; mataas sa P2 billion, 2%; at mataas sa P3 billion, 3%.
“There is a risk of capital flight if the wealth tax is passed in the Philippines. Currently, only four countries continue to implement the wealth tax—Belgium, Norway, Spain, and Switzerland. Many countries that had wealth taxes before ended up repealing the said measures particularly because of the increased capital mobility and access to tax havens in other countries,” paliwanag ni Dominguez sa kanyang liham kay Velasco.
Sinabi ng kalihim na kinikilala niya ang layunin ng panukala na mapaghusay ang pagbubuwis ng bansa at makalikom ng mas maraming kita para sa medical assistance at social programs, lalo na sa panahong ito ng pandemya.
Gayunman ay hindi, aniya, niya masusuportahan ang panukala dahil posibleng itaboy nito ang mga investor.