IGINIIT ni Senador Win Gatchalian na magbibigay-daan sa digitalization ng mga transaksiyon sa bansa ang pagsusulong sa pagkakaroon ng pantay-pantay na access sa mga serbisyong pinansiyal.
“Itinutulak sa ating bansa ang financial inclusion dahil less than 20 percent lang ng populasyon natin ang may bank account. Halos lahat talaga ay cash ang ginagamit pero sa ganitong panahon, lalo na’t may pandemya, electronic na ang ginagamit at ‘yan ang future sa digital banking at payments. Diyan na rin papunta ang karamihan sa ibang bansa ,” sabi ng vice chairperson ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies.
Binabalangkas na ni Gatchalian ang kanyang panukalang batas na tatawaging “One Filipino, One Bank Account” na naglalayong mabigyan ang bawat Filipino ng sariling bank account o virtual wallet na paglalagakan ng mga ayuda galing sa gobyerno, kasama na rito ang educational at medical assistance. Ipapanukala rin ni Gatchalian na dapat walang minimum deposit amount ang nasabing bank account.
Kapag may sariling bank account o virtual wallet na ang bawat Filipino, maaari nang maisakatuparan ang ‘cashless’ na mga transaksyon o digital payments na naging paraan ng marami sa pagsasaayos ng kanilang mga bayarin magmula nang sumiklab ang COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.
Sa pinakahuling financial inclusion survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), lumitaw na lumobo ang bilang ng mga gumagamit ng kanilang bank account sa kanilang mga bayarin. Mula 18% noong 2017 ay tumaas ito sa 39% noong 2019. Karamihan ay nagsabi na ginamit nila ang bank accounts nila para tanggapin ang kanilang mga sahod at mga benepisyong mula sa gobyerno. Sa mga hindi gumagamit ng bank account sa mga bayarin, karamihan ay nagsabing mas gusto pa rin nila ang nakagawiang cash transactions samantalang ang iba naman ay aminadong hindi alam ang ganitong paraan ng pagbabayad.
Lumabas din sa nasabing survey na kakaunti lang ang gumagamit ng internet o mobile banking kumpara sa ibang paraan ng transaksiyon. Ang mga over the counter (OTC) ang pinakamadalas na paraan ng transaksiyong ginagamit sa lahat ng klase ng accounts.
“Sa pagbubukas ng sariling account o virtual wallet, ang mga tao ay matututo ng kahalagahan ng pagma-manage ng pera at pag-iimpok. Dapat ito ay may kaakibat din na pagtuturo sa mga ordinaryong Filipino ng pamamaraan ng paghawak ng pera, ipon, at mga gastusin,” dagdag pa ng senador. VICKY CERVALES
794391 386387Some really nice stuff on this internet website , I enjoy it. 573498
152044 378436I truly enjoyed your incredible web site. Be certain to keep it up. Could god bless you !!!! 936411