MAGULANG KAKASUHAN SA MGA ANAK NA GUMAGALA

Joy Belmonte

NAKATAKDA  ng panagutin  ang mga magulang na nagpapabaya na gumala o makalabas ng kanilang tahanan, maging ang mga establisyimento na magpapasok rin ng mga kabataan dahil sa patuloy pa ring banta ng COVID-19 sa Quezon City.

Ayon kay  QC Mayor Joy Belmonte, sa inaprubahang ordinansa ng konseho, pagmumultahin  ng P1,000 ang mga magulang ng mga minor na mahuhuling gumagala sa lansangan sa lungsod.

Habang P5,000 naman at ‘revocation’ ng business permit ang parusa sa mga establisyemento na papayagang pumasok ang mga menor de edad.

Ginawa ng Konseho ang ordinansa dahil napansin nilang may mga magulang at mga establisyimento na pinapayagan ang mga minors kahit mahigpit itong ipinagbabawal ng Inter Agency Task Force for Emerging on Infectious Desease (IATF).

Magiging epektibo ang ordinansa makalipas ang labing limang araw matapos itong ilabas sa mga pahayagan at ipapaskil sa mga pampublikong lugar.

Una dito ay nagpahayag ng pagkadismaya ang alkalde dahil muling tumaas ang active cases ng CO­VID-19 sa lungsod sa nakalipas na mga araw.

Ito aniya ay dahil dumami ang mga pasaway na residente na nagsasagawa ng mga pagtitipon tulad ng mga birthday party, reunion at iba pa.

Sa ngayon , pumalo na uli sa 800 ang active cases mula sa dating 400 active noong nakaraang linggo. EVELYN GARCIA

Comments are closed.