(Mahigit 132k minimum wage earners, 64k kasambahay makikinabang) DAGDAG-SAHOD SA DAVAO REGION

MAY  kabuuang 132,347 minimum wage earners sa Davao Region ang inaasahang direktang makikinabang sa pagtaas ng sahod.

Ito ay  matapos ilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Region XI ang motu proprio Wage Order No. RB XI-22 noong Pebrero  13 ,2024, na nagbibigay ng P19 arawang pagtaas para sa mga minimum wage earner kapag naging epektibo, at karagdagang P19 sa ikalawang tranche sa ika-1 ng Setyembre 2024.

Magiging P481 ang arawang minimum na sahod sa rehiyon para sa non-agriculture sector at P476 naman para sa agriculture sector sa sandaling ganap itong maipatupad.

Humigit-kumulang 316,558 na full-time wage at salary workers na kumikita ng higit sa minimum na sahod ang maaari ring  makinabang bilang resulta ng pataas na pagsasaayos sa antas ng negosyo na nagmumula sa pagwawasto ng wage distortion.

Inilabas din ng Regional Board ang motu proprio Wage Order No. RB XI-DW-03, na nagtataas sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay ng P500 hanggang P1,500 depende sa lugar. Ang buwanang sahod para sa mga chartered city at first-class municipality sa rehiyon ay magiging P6,000, at P5,000 para sa iba pang munisipalidad:

Inaasahang makikinabang ang kabuuang 64,111 na mga kasambahay sa pagtaas ng sahod kung saan ang humigit-kumulang 37% (23,479) sa kanila ay nasa live-in arrangement.

Bilang pagsunod sa mga umiiral na batas at patakaran, isinumite ang mga wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at ito ay pinagtibay noong ika-16 ng Pebrero 2024. Ipinalathala ang mga wage order noong ika-19 ng Pebrero 2024, at magkakabisa 15 araw matapos ang publikasyon, o sa ika-6 ng Marso 2024.

Isinaalang-alang sa pagtaas ng sahod ang iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy ng sahod na nakasaad sa ilalim ng Republic Act No. 6727, o ang Wage Rationalization Act. Ang Lupon, na binubuo ng mga kinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, namumuhunan, at manggagawa, ay nagsagawa ng pampublikong pagdinig noong ika-7 ng Pebrero 2024, sa Davao City at deliberasyon sa sahod .

Itinataas ng 9% ang bagong rate para sa mga manggagawa sa pribadong sektor mula sa umiiral na arawang minimum na sahod sa rehiyon at nangangahulugan din ito ng 23% pagtaas sa mga benepisyong may kaugnayan sa sahod na sumasaklaw sa 13th-month pay, service incentive leave (SIL), at social security benefit tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.

LIZA SORIANO