MAHIGPIT NA INSPEKSIYON SA SASAKYANG GAMIT NG ‘UPOR’, IGINIIT

Chairman Robert Ace Barbers

HINIMOK ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at 2nd Dist. Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), kasama na ang iba pang nagmamando sa lahat ng checkpoints, na masusing inspeksiyunin ang sasakyan ng mga mahuhuling ‘unauthorized person outside of residence’ o tinaguriang UPOR.

Ginawa ng Mindanaoan lawmaker ang panawagan makaraang mapansin niya ang tila pagiging maluwag diumano ng seguridad sa iba’t-ibang checkpoints, pangunahin na sa mga behikulong papasok sa Metro Manila.

Bagama’t nagpapasalamat si Barbers na binigyan-pansin ng PNP, partikular ng Highway Patrol Group (HPG) at maging ng Metro Manila Development Authority (MMDA), ang biglaang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan kahit may ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ), hindi lamang umano ang pagsita at paghuli sa mga UPOR ang dapat na gawin ng mga law enforcer.

“I’ve seen on TV and newspaper reports that PNP personnel manning those checkpoints just flag down and issue traffic citation tickets against quarantine travel violators without conducting a thorough search against the erring drivers and their vehicles,” ang sabi pa ng House panel chairman.

Paalala ni Barbers, sa ilalim ng ‘Bayanihan to Heal as One Act’, ang mga ECQ violator ay pupuwedeng isailalim sa masinsinang pagsusuri para matukoy din kung sila ay nagdadala na ilegal na droga at iba pang kontrabando kahit nasita na sa unang paglabag.

“They’ve already violated travel restrictions under the Bayanihan law kaya pwede na arestuhin. So, a search is incidental to a valid arrest. Kaya sa Amerika, pinabubuksan pati and trunk ng sasakyan ‘pag nasisita ng police dahil meron ng probable cause,” giit ng kongresista.

Samantala, ayon kay Barbers, may ulat na nakarating sa kanya na dahil sa ECQ, may mga  drug trafficker na pursigido sa kanilang operasyon sa paraan na maiparating ang droga kahit sa mga ‘street-level drug pusher’ lamang.

“Base sa mga impormasyon kong natatanggap, may malaking shortage sa supply ng droga sa kalye dahil sa ECQ laban sa Covid-19. At nitong mga nakaraang araw, maraming sasakyan ang lakas loob na tumatawid sa PNP checkpoints dahil tinitikitan lang sila at ‘di tsini-check kung ano ang karga – kung may kontrabando ba o wala – ang kanilang mga sasakyan,” kuwento pa niya

“Noong Lunes, nabalitaan at napanood ko sa mga TV footages ang dami ng sasakyan na tumatawid sa PNP checkpoints. Sita, tiket at walang bukasan ng trunks ng mga sasakyan. Sa dami ng mga violators, malaking posibilidad na ang ilan dito ay pasok sa transport ng droga. Walang search, eh,” dagdag ng Surigao del Norte solon. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.