ANG Philippine National Railways (PNR) ay may mahaba at mahalagang kasaysayan sa ating bansa. Mula nang inumpisahan ito ng mga Kastila noong 1891 sa pamamagitan ng Manila-Dagupan Ferrocaril at lumawak hanggang sa rehiyon ng Bicol na mas kilala sa tinatawag na “Bicol Express”. 128 years ang edad na ng tren at riles sa ating bansa. Mas nauna pa tayo kaysa sa bansang Japan sa paggamit ng tren at riles.
Ilang dekada rin na naging mahalaga ang tren sa buhay ng mga Filipino. Saksi rin ang mga riles ng tren at paggamit nito sa ilang digmaan mula sa rebolusyon laban sa mga Kastila at Amerikano hanggang sa pagsakop sa atin ng mga Hapon noong panahon ng Ikalawang Digmaan hanggang sa nakamit natin ang ating kalayaan.
Sa katunayan, noong 1960s patungo sa kalagitnaan ng 1970, ang PNR ay napakahalaga sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng paghatid ng mga produkto at mga tao sa Hilaga at Timog ng Luzon. Naging isa sa pinakamayaman na ahensiya ng gobyerno ang PNR noong mga panahon na iyon. May mga puhunan sila sa malaking lupain, hotel, bus lines at freight services.
Subali’t pagsapit ng dekada 70, unti-unting napabayaan ang operasyon ng PNR. Noong panahon ni Marcos ay binigyang prayoridad ang Pan-Pacific highway o mas kilala noon bilang Maharlika Highway na ikokonekta ang mga lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Dagdag pa sa paghina ng PNR ay ang pagdami ng mga alternatibong pampublikong sasakyan tulad ng bus at eroplano na mas napadadali ang biyahe mula Manila hanggang sa Bicol. Isama na natin ang maling pamamahala at korupsiyon sa PNR. Kaya naman noong pagpasok ng 1980 hanggang sa kasalukuyan, nawala na ang ningning ng PNR.
Ilang ulit na sinubukan na buhayin ang PNR ng ilang administrasyon nguni’t wala sa kanila ang nagtagumpay. Kaya naman sa ilalim ng administrasyon ni Duterte ay plano nilang buhayin muli ang PNR.
Kamakailan ay nag-anunsiyo si DOTr Sec. Arthur Tugade na magkakaroon ng karagdagang tren mula sa Indonesia. Ito ay anim na diesel multiple unit motor coaches na kasama sa 37 na bagon at tatlong locomotives o ulo ng tren na maghihila sa mga bagon ng tren. Ayon kay Tugade, ito ay gagamitin sa estasyon ng PNR para sa ruta ng FTI-Tutuban at FTI-Malabon mula sa ika-16 ng Disyembre.
Dadagdagan pa raw ng PNR ng 18 hanggang 20 biyahe kada araw sa nasabing ruta na magdadagdag kapasidad ng makagagamit ng nasabing tren. May kapasidad daw ang isang bagon para sa 250 na mga pasahero. Pagdating ng Enero sa susunod na taon, may 40 na bagon ang magiging operational at may darating pang 31 na bagon sa Pebrero 2020.
Magandang balita ito para sa mga kababayan natin na naghahanap ng iba pang alternatibo na pampublikong sasakyan. Sa totoo lang, ang tren ang pinakaepektibong mass transportation system. Mas marami ang makasasakay. Walang trapik na pinag-uusapan at mas nakatitipid pa sa krudo o gasolina at polyusyon.
Sana naman ay ipagpatuloy ito at gawing prayoridad ang rehabilitasyon ng PNR kung sino man ang papalit kay Duterte upang mabalik ang ningning nito.