MATIKAS na sinimulan ng Far Eastern University ang kanilang kampanya sa UAAP Season 82 women’s volleyball tournament nang dispatsahin ang University of the East sa straight sets, 25-9, 25-20, 25-17, kahapon sa SM Mall of Asia Arena.
Kinuha ng Lady Tamaraws ang two-set advantage, hanggang nabuhay ang Lady Red Warriors sa third frame nang kunin ang 7-3 lead.
Subalit hindi nagtagal ang kalamangan ng UE nang magsanib-puwersa ang mga beterano at matatapang na rookies ng FEU para baligtarin ang deficit sa 20-16 edge at hindi na lumingon pa.
“Thankful ako sa mga player ko kasi ang instructions ko sa kanila na umpisahan nang maganda, tatapusin natin nang maganda kasi ito ‘yung first game nila eh,” wika ni FEU head coach George Pascua.
“Kumbaga ito ‘yung mag-ga-gauge namin ‘yung preparation na ginawa namin at kung gaano ka-effective.”
Humugot ng lakas sa 18-set, nine-point production ni team captain Gel Gayuna, ang Lady Tamaraws ay naglatag ng balanced offensive thrust.
Pinangunahan ni Nette Villareal ang well-rounded attack ng FEU sa kinamadang 11 points mula sa 8 hits at 2 blocks. Nagdagdag si Ivana Agudo ng 10 markers, habang naging matagumpay ang pagbabalik ni Lycha Ebon mula sa ACL injury na may 9 points.
Nagbida si Mean Mendrez para sa Lady Red Warriors na may 13 points, habang nag-ambag sina Janine Lana at Yeye Gabarda ng tig-8 points.
Mainit ding sinimulan ng FEU ang kanilang kampanya sa men’s volleyball tournament makaraang pataubin ang University of the East, 25-10, 25-22, 25-23.
“Magandang opportunity na grinab naman ng team. Kaya naman kami nagpunta rito to get the game, so the team is so blessed na nakuha namin ang game,” ani FEU head coach Rei Diaz.
Comments are closed.