MAKAMANDAG NA GAGAMBA TATAPAT SA VIAGRA

MAIBA lang tayo ng paksa.

Paalam, Viagra, Cialis, Levitra, Rhino, Korean Ginseng tea, at mga kahawig na gamot na maaaring makatulong na manumbalik ang pagkalalaki ng isang tao.

Alam ba ninyo na may natuklasan ang siyensya na maaaring maging alternatibo sa mga nabanggit kong gamot at ito ay mula sa kamandag ng isang gagamba?

Halos tatlong dekada na ang nakararaan kung saan ilang Brazilian researchers ang nagsimulang pag-aralan ng side effects ng kagat ng isang uri ng gagamba na makikita sa kanilang sagingan. Ang mga biktima ng kagat ng nasabing gagamba ay nakararanas na tinatawag na priapism. Ito ay ang pagdanas ng masakit at patuloy na paninigas ng ari ng lalaki.

Dahil dito ay ilang siyentipiko mula sa Brazil ang nagsimulang mag- eksperimento upang gamitin ang kamandag ng nasabing gagamba bilang alternatibo sa mga popular na gamot sa pagkalalaki.

Sinubukan ng mga siyentipiko na gumawa ng isang synthetic molecule at hinalo ang kamandag ng gagamba, inilagay sa parang pomada na ipapahid sa ari ng lalaki upang tumigas. Tila positibo naman ang resulta sa kanilang clinical trials.

Ang nasabing gagamba ay kulay kayumanggi, mabuhok at may sukat na anim na pulgada. Ang gagambang ito ay isa sa pinakamakamandag sa buong mundo. Makikita ang nasabing gagamba sa mga bansa sa South America. Ang tawag nila ay “wandering spider” o “armed spider.”

Sa aking pagsasaliksik, may ilang gagamba at alakdan na may parehas na kamandag na maaaring magdulot na masakit na paninigas ng ari ng lalaki kapag sila ay nakagat.

Ang Ezequiel Dias Foundation (FUNED), isang medical research center sa Brazil, ang naghahango ng kamandag ng gagamba at pinadadala sa Federal University of Minas Gerais (UFMG) at pinag-aaralan kung maaaring alternatibo ito sa mga gamot laban sa erectile dysfunction ng lalaki.

Ang Brazilian biotech company, Biozeus ang nakakuha ng patent upang gumawa ng nasabing synthetic molecule na gagamiting gamot na parehas ng Viagra.
Plano ng nasabing kompanya na ibenta ito sa uri ng pamahid na ilalagay sa ari ng lalaki minuto bago magtalik. May posibilidad din daw na ang nasabing makabagong gamot ay makagamot din sa prostate cancer.

Kaya ayan, abangan na lang natin kung itong nadiskubre nilang gamot bilang sagot sa panunumbalik ng pagkalalaki ay maging kasing tagumpay ng Viagra.