MAKATI NAGBUKAS NG VAXX SITES SA 3 PALENGKE

SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pagsasagawa ng COVID-19 vaccination drive sa tatlong palengke sa lungsod sa kabila ng bantang peligro na idinudulot ng mas madaling makahawa na Omicron sub-variant “Centaurus” sa bansa.

Nauna nang nakapagtayo ang lokal na pamahalaan ng vaccination site nitong Agosto 4 sa Bangkal Market B1 para masiguro ang kaligtasan ng mga vendors at mga customer sa naturang palengke.

Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na bukod sa Bangkal Market B1 ay dalawa pang vaccination sites sa palengke ang bubuksan para sa publiko ng Agosto 5 (Biyernes) na matatagpuan sa Barangay Poblacion Market sa J. Villena Street at Sacramento Market naman sa Barangay Olympia.

“Bukas ito para sa lahat ng nais magpabakuna mula 9 a.m. hanggang 4 p.m.,” ani Binay na nagpaalala din sa mga magpapabakuna na dalhin ang kanilang vaccination cards at valid ID.

Samantala, idinagdag din ng lokal na pamahalaan na ang mga listahan ng requirements para sa pagpapabakuna ng mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang ay makikita sa link na www.covid19vaccine.safemakati.com/faq

Matatandaan na noong Agosto 1 ay inianunsyo ng lokal na pamahalaan ang pagpapaigting ng COVID-19 vaccination drive para naman sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) at Jeepney Operators and Drivers’ Association (JODA) sa lungsod.

Nagtayo rin ang lokal na pamahalaan ng vaccination sites sa tatlong terminal na nagbukas para sa mga miyembro ng nabanggit na mga transport groups na kinabibilangan ng Guadalupe-Buting TODA/JODA, Guadalupe-Pateros MACDA at ng MAYATODA. No

Tatanggap din ang mga nabanggit na vaccination sites ng mga drayber ng pedicab, jeepney, tricycle pati mga taxi drivers sa lungsod upang mapanatili ang kanilang kaligtasan laban sa COVID-19.
MARIVIC FERNANDEZ