MAKATI RICHEST CITY SA PINAS

MAKATI CITY HALL-2

PINALITAN na ng Makati City ang Quezon City bilang pinakamayamang lungsod sa bansa makaraang lumaki ng apat na beses ang total assets nito noong 2017, ayon sa Commission on Audit (COA).

Base sa 2017 COA financial report on local governments, ang Makati City ay may kabuuang assets na P196.57 billion, mas mataas ng P141 billion sa P54.85 billion na naitala nito noong 2016.

Ipinaliwanag ng pamunuan ng Makati City sa financial statement nito na lumobo ang kanilang yaman ng 258 percent nang isama nila ang public infrastructure projects sa computation ng kanilang assets noong nakaraang taon.

“All public infrastructure projects such as road networks and other public infrastructure projects were no longer transferred to the registry of public infrastructure,” ayon sa Makati.

Pumangalawa na lamang ang Quezon City matapos ang ilang taong pamamayagpag bilang pinakamayamang siyudad, na may total assets na P68.33 billion. Na­nguna ito sa COA reports noong 2016 sa P59.56 billion at noong 2015 sa P51.64 billion, kabuntot ang Makati City sa parehong taon.

Nanatili naman ang Manila sa ikatlong puwesto na may P38.68 billion worth of assets, mas mataas ng P2.5 billion sa P36.1 billion na naitala nito noong 2016.

Napanatili rin ng Cebu at Pasig ang kanilang puwesto sa top 5 na may tinatayang assets na P33.86 billion at P33.7 billion, ayon sa pagkakasunod.

Nasa ika-6 na puwesto ang Taguig City (P19.6 billion), kasunod ang Caloocan (P17 billion) at Pasay (P16.66 billion) na nagpalit ng puwesto sa 7th at 8th spots kumpara noong 2016.

Umangat naman ang Davao City, ang hometown ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa ika-9 na puwesto makaraang makapasok ito sa top 10 list sa naunang  COA report. Ang total assets ng lungsod ay umakyat sa P13.18-B noong 2017 mula sa P8.9-B noong 2016.

Comments are closed.