NAGPAHAYAG ng suporta ang Malacanang sa dalawang major international tournaments na iho-host ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ngayong taon.
Ang mga ito ay ang Volleyball Nations League (VNL) sa July 4-9 sa Mall of Asia Arena at ang Volleyball World Beach Pro Tour Challenge mula November 30 hanggang December 3 sa Taguig City.
Nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa ngalan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Memorandum Circular No. 17 na nag-aatas sa lahat ng government agencies at instrumentalities, kabilang ang government-owned or controlled corporations, at humihikayat sa local government units na suportahan kapwa ang International Volleyball Federation, o FIVB tournaments.
“I would like to thank President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. for supporting the PNVF and the FIVB in promoting volleyball in the country,” wika ni PNVF President Ramon “Tats” Suzara. “We guarantee the success of both tournaments that not only help promote the sport in world level, but also showcase the country’s tourism.”
Ang PNVF ay naging hosts na ng men at women leg ng VNL noong July ng nakaraang taon sa Quezon City at ang matagumpay na hosting ang nag-udyok sa FIVB na hilingin sa national federation na muling i-host ang event.
Ang tickets sa VNL ay mabibili na via www.smtickets.com. Ang ticket prices ay P11,000 para sa VIP sa Court and Patron Front Row, P3,000 sa Patron Premium, P2,000 sa Patron Regular, P1,300 sa Lower Box, P800 sa Upper Box at P300 sa General Admission.
Tulad noong nakaraang taon, ang VNL ngayong taon ay tatampukan ng cream of the crop ng men’s volleyball sa pangunguna ng world No. 1 Poland at No. 2 Italy, No. 4 Brazil, No. 7 Japan, No. 9 Slovenia, No. 13 The Netherlands, No. 15 Canada at No. 26 China.
Magbabalik din ang Volleyball World Beach Pro Tour Challenge sa bansa ngayong taon.
Nakopo nina Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga ang gold medal sa isang all-Filipino final laban kina Genesa Jane “Jen” Eslapor at Floremel Rodriguez sa torneo na ginanap noong nakaraang December sa Subic.