MALAKANYANG AT 2 NDFP LEADERS MAGHAHARAP

malakanyang

NGAYONG linggong ito posibleng maisakatuparan ang pulong sa pagitan ng dalawang  lider ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP at ilang opisyal ng Malakanyang.

Sa text message na ibinahagi kahapon ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process sa Pilpino Mirror  ay napag-alamang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kina Peace Adviser Jesus Dureza at Atty. Salvador Panelo ang pagharap sa mga opis­yal ng NDFP.

Ayon kay Dureza na ang pulong kasama sina NDFP peace panel chair Fidel Agcaoili at Senior Adviser Luis Jalandoni ay posibleng maganap anumang araw sa susunod na linggo.

Sinabi pa ni Dureza na siya at si Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo ang siyang  inatasan ni Pangulong Duterte na humarap sa mga nabanggit na communist leader sa isang informal talk.

Maaalalang mismong sina Agcaoili at Jalandoni ang humiling na makapulong si Pangulong Duterte, kaugnay sa resumption ng usapang pangkapayapaan.

Nabatid na itinakda  ngayong linggo o sa mga susunod na araw ang pag­haharap ng GRP  panel at NDFP leaders dahil sa na-katakdang magtungo muna sa New York si Sec. Dureza para sa isang official engagement.

Ayon kay Dureza, pangungunahan niya ang Philippine delegation sa United Nations General Assembly sa New York kaya ang pag­haharap nila ng NDFP leaders ay magaganap sa kanyang pagbabalik sa bansa.

Samantala, inihayag ni PNP-National Capital Regional Police Office Director Guillermo Eleazar na inilagay sa kustodiya ng Metro Manila District Jail (MMDJ) ang Communist Party of the Philippine (CPP)  consultant na si Vicente Ladlad at ang dalawang kasamahan nito.

Una rito, ipinag-utos na ng korte na ilipat na sa Metro Manila District Jail ang kustodiya nina Ladlad at ang mag-asawang Al-berto at Virginia Villamor.

Ito ay makaraang aprubahan na ng Regional Trial Court Br.93 ang paglipat  base sa commitment order na inilabas ni Judge Arthur Malabaguio na may petsang Nobyembre 15, 2018.

Itinakda rin ni Judge Malabaguio ang arraignment sa Nobyembre 23, 2018.

Una rito, pinagtibay ni Senior Assistant City Prosecutor Manuel Luis Felipe ang pagsampa ng kaso ng paglabag sa RA 9516 at RA 10591 laban sa tatlo at nasa P150,000 bail bond ang ini­rekomenda.

Naaresto si Ladlad at ang dalawang kasamahan nito noong Nobyembre 8 sa isang bahay sa Novalichez, Quezon City.         VERLIN RUIZ