UMAASA ang pamahalaan na malalaman na ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa sa katapusan ng buwan.
Ayon kay acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, nagsagawa na ang National Economic and Development Authority (NEDA) ng surveys para matasa ang economic impact ng pandemya.
“By the end of the month, malalaman na natin ang impact or ang total effect ng ating virus problem at base diyan, may evidence na tayo at makakapag-draft na tayo ng angkop at maayos na plan, so ‘yun ang ating tututukan na priority,” ani Chua sa Laging Handa virtual briefing.
Nauna nang sinabi ni Chua na kabilang sa mga prayoridad niya bilang NEDA chief ang pagbuo ng recovery plan ng bansa.
“Once na ma-control natin ito ay pupunta naman tayo sa susunod, ‘yung recovery plan. Pero bago natin pag-usapan ‘yung recovery plan, ang importante dito ay alamin natin gaano kalala ba ang impact nito at ng enhanced community quarantine sa mga negosyante, lalo na sa mga maliliit na businesses,” aniya.
“Ang ginawa namin sa NEDA at sa gobyerno ay nag-field kami ng survey — consumer survey, business survey, tapos may parating pa na mas malaking survey,” dagdag pa ni Chua.
Pinalitan ni Chua si dating Secretary Ernesto Pernia na nagbitiw sa puwesto noong nakaraang linggo.