NASAKSIHAN natin ang kainaman sa komunikasyon dahil sa pag-iral ng teknolohiya at social media.
Kung noon ay nagiging hadlang ang distansiya sa ating pakikipag-usap sa ating mga mahal sa buhay sa malalayong lugar, ngayon ito ay mas pinadali na ng teknolohiya at social media.
Dahil din dito, mas naging madali na ang pagbabahagi ng impormasyon at mas marami nang indibidwal ang naaabot ng impormasyon dahil karamihan sa atin ay marunong nang gumamit ng internet.
Sa kabilang banda, may mga ibang epekto pa rin ang pag-usbong ng social media, katulad na lamang ng “cancel culture” kung saan ang mga katayuan o career ng mga indibidwal na naghahayag ng saloobin sa mga maiinit na isyu ngunit hindi katanggap-tanggap sa mga netizen ay maaari nang maapektuhan.
Sa Pilipinas, ilan nang mga celebrity ang nakaranas ng epekto ng cancel culture sa pamamagitan ng pagbawi ng endorsement contracts ng mga kompanya dulot ng takot sa banta ng pag-boycott ng kanilang mga konsyumer.
Kamakailan lamang, si Atty. Vic Rodriguez, spokesperson ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang naging target ng cancel culture nang suspindehin ng Facebook ang kanyang social media page matapos itong i-report ng ilang netizens.
Ayon sa Meta, ang kompanyang nagmamay-ari sa Facebook, may mga ilang community standards ang nilabag ng nasabing Facebook page ngunit agad din itong na-reactivate dahil isa umanong pagkakamali na ma-flag ito bilang fake account.
Ayon naman kay Atty. Rodriguez, ang pagsuspinde ay isang “censorship of the highest degree and interference on a sovereign act, digital terrorism no less.”
Si Atty. Rodriguez ay isang napaka-responsable at kagalang-galang na indibidwal, at advocate ng pagkakaisa. Kung ating titingnan, kahit kailan ay hindi tayo nakarinig ng maaanghang na salita mula sa kampo ni BBM na kanyang pinamumunuan, magmula noong paghahain ng kandidatura hanggang ngayon na nalalapit na ang halalan.
Kinakailangan nating puksain ang cancel culture practice sa lalong madaling panahon.
Ang Pilipinas ay isang malayang bansa. Katulad ng ating karapatang bumoto, mayroon din tayong karapatan sa malayang pagpapahayag. Subalit ang naturang karapatan o kalayaan ay tila walang saysay kung ang karamihan sa mga mamamayan ay hindi makapagpahayag ng opinion nang walang kaakibat na panunuligsa o pagkontra mula sa publiko at mga kinauukulan.
May karapatan tayo upang tutulan ang opinyon ng ibang tao, ngunit ang pag-impluwensiya at pagbawi ng suporta dahil lamang sa opinyon, kailan ma’y hindi makatutulong sa indibidwal upang matuto sa pagkakamali. Dagdag pa, ang cancel culture ay hindi epektibo kung ang layunin natin ay ang pagbibigay ng social justice.
Ayon kay Matt Haig, isang progressive mental health writer, ang cancel culture ay anti-progress at ito ay anti-change. Ayon sa kanya, mas tinutulak lamang ng kulturang ito ang mga tao upang humanap ng ibang mga paraan o plataporma kung saan nila mailalabas ang kanilang mga masasamang pananaw.
Dapat na nating puksain ang kasanayang cancel culture bago pa man nito limitahan ang iba pang mga bagay bukod sa ating kalayaan sa pagpapahayag. Maaari naman tayong makipagdiskusyon, kailangan lamang na palagi nating piliin ang development discourse.