MALINIS NA KARTA ITATAYA NG LADY SPIKERS

LADY SPIKERS

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)

8 a.m. – NU vs DLSU (Men)

10 a.m. – AdU vs UE (Men)

2 p.m. – NU vs DLSU (Women)

4 p.m. – AdU vs UE (Women)

ITATAYA ng defending champion De La Salle ang kanilang walang dungis na marka sa pagsagupa sa National University, habang magsasalpukan ang mga wala pang panalong Adamson University at University of the East sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.

Magkukrus ang landas ng Lady Spikers at Lady Bulldogs sa alas-2 ng hapon, kasunod ang bakbakan ng Lady Falcons at Lady Warriors sa alas-4 ng hapon.

Pinataob ng De La Salle ang long-time nemesis Ateneo, 25-14, 25-17, 16-25, 25-19, at winalis ang Adamson University, 25-16, 25-21, 25-20, upang magpadala ng mensahe na taglay nila ang kumpletong materyales para sa ika-4 na sunod na kampeonato.

Muling mangunguna para sa Lady Spikers sina rookie Jolina dela Cruz, Desiree Cheng, Aduke Ogunsanya, setter Michelle Cobb, May Luna, Norielle Ipac at libero CJ Saga.

Mapapalaban sa NU squad na puno ng kumpiyansa makaraan  ang 25-19, 25-23, 25-19 panalo laban sa UE noong Sabado, binigyang-diin ni La Salle mentor Ramil de Jesus na kailangang kumayod nang husto ng kanyang tropa.

“Kailangan sa Wednesday, paghandaan namin. Huwag magpakumpiyansa nang husto kasi hindi madaling kalaban ang NU,” dagdag pa niya.

Sa men’s division, sisikapin ng Adamson University na samahan ang FEU sa liderato sa pagharap sa UE sa alas-10 ng umaga, habang tatangkain ng titleholder NU na manatiling nakadikit sa mga lider sa 8 a.m. match kontra De La Salle.