INIREKOMENDA ng Joint Task Force COVID Shield na huwag papasukin sa mall ang mga walang quarantine pass sa gitna ng modified enhanced community quarantine.
Ayon kay Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang commander ng task force, ang panukala ay ipinarating sa mall security managers sa buong Metro Manila sa isang pagpupulong sa Camp Crame.
“Ngayon nag-propose tayo, dahil nga dito sa Metro Manila, well almost all of them ay mayroong quarantine pass at dahil required naman talaga, sinasabi ng IATF guidelines na only one member per household would avail the goods and services provided by the permitted establishments…” ani Eleazar.
Aniya, ire-require na nila ang lahat ng malls na hanapan ng quarantine pass ang mga customer na pupunta roon.
Sinabi pa ni Eleazar na dapat ding i-check ng mga awtoridad ang parking areas ng mga shopping center para doon pa lamang ay makontrol na ang dami ng tao na nais pumasok sa mall.
“‘Yung parking area napakaganda ring ma-check na kasi doon pa lang puwede na nating malaman kung ‘yung pupunta doon ay allowed to avail of the services. Kung workers sila, walang problema ‘yun, kung sila ‘yung bibili ng goods and services, remember we are in MECQ, isa lang ang allowed na bumili noon,” dagdag pa niya.
Comments are closed.