MALNUTRISYON SA MGA KABATAAN AT BENEPISYONG PHILHEALTH

ALAGANG PHILHEALTH

TUWING buwan ng Nobyembre ay ginugunita natin ang National Children’s Month bilang pagkilala sa papel ng mga kabataan sa ­ating komunidad. Ngayon ay pag-usapan natin ang ilan sa isyung pangkalusugan at benepisyong ­PhilHealth para sa mga nakababata.

Kinagigiliwan ng lahat ang mga batang malulusog at mabilog. Iba talaga ang saya na dala nila sa pamilya at sa ibang mga tao. Ang sarap kurutin at panggigilan ang mga namumutok at namumula nilang pisngi.

Pero ang dapat nating lubos na maunawaan ay kung ayos lang ba na sila ay sobrang mataba o obese at mas mabigat ang timbang sa nararapat nilang edad at tangkad.

Mas mataas ang posibilidad ng malnutrition sa mga bata lalo na ngayong pandemiya. Kaya ang paliwanag ng mga eksperto, dapat ay balanced ang pagkain nila ng gulay, karne, at carbohydrates para masigurong healthy ang kanilang paglaki.

Ang kaso ng malnutrisyon ay hindi lamang sa mga underweight o undernutrition. Ang mga batang overweight ay maaari ring maging malnourished lalo na kung hindi sapat ang mga bitamina at sustansya mula sa kanilang mga kinakain kahit gaano pa ito karami.

Dalawa sa kaso ng severe malnutrition na maaaring makaapekto sa mga bata ay tinatawag na Kwashiorkor at Marasmus. Ang Marasmus at Kwashiorkor ay uri ng matinding malnutrisyon na sanhi ng kakulangan sa protina na nagdudulot ng mataas na rate ng pagkamatay sa mga sanggol at bata sa rural na lugar, na may kakulangan sa pangangalagang medikal at dahil sa labis na kahirapan ay hindi na nabibigyan ng lunas ang kanilang karamdaman. Ang Kwashiorkor ay malnutrition ng protina at pamamaga ng paa’t kamay ng mga batang nasa edad isa hanggang limang taon. Ito ay nagbubunsod sa bahagyang growth retardation, bahagyang pagbaba ng timbang, kawalang gana sa pagkain, enlarged fatty liver at iba pa. Samantala, ang Marasmus naman ay malnutrition na may kakulangan sa calories. Apektado nito ay mga sanggol hanggang isang taong gulang na may mababang calorie intake at nagdudulot ng matinding growth retardation, matinding pagbawas sa timbang ng katawan, paglitaw ng ribs at iba pa. Ang mga batang ito ay sobrang papayat.

Photo 2

Alam ba ninyo na ang mga kasong ito ay covered ng PhilHealth?  Ang inpatient benefits para sa Kwashiorkor at Marasmus ay P11,700. Ito ay ilan lamang sa mga kaso ng malnutrisyon na binabayaran ng PhilHealth.

Bukod sa malnutrisyon ay nakababahala rin ang mga balitang pabata nang pabata ang nagkakaroon ng biglaang atake sa puso, altapresyon, diabetes at iba pang karamdamang maiuugnay sa hindi pagkain nang tama.

Panawagan namin sa aming mga loyal readers, hinay-hinay sa pagbibigay ng pagkain sa ating mga kasamang bata sa bahay. Magkaroon ng mga indoor activity na maaari silang makabonding at ipaliwanag ang magandang dulot ng pagkakaroon ng maayos na pangangatawan at kaisipan.

Kaya paalala sa mga parent diyan, hindi lahat ng matataba ay cute lalo na kung ang kalusugan ng ating mga anak ang nakataya. Bilang mga magulang, reponsibilidad nating alagaan ang kalusugan ng ating mga anak at siguruhing sapat at masusustansiya ang kanilang mga kinakain.

Maliban sa mga nabanggit ay may Z Benefits din ang PhilHealth para sa mga kabataan para sa developmental disabilities, mobi­lity impairment, hearing impairment and visual disability, surgery for tetralogy of fallot and ventricular septal defect, at para sa mga premature and small newborns. Bisitahin ang aming website www.philheath.gov.ph para sa buong detalye ng mga ito.

Kung may tanong tungkol sa PhilHealth, magpadala ng text message sa 0921-6300-009 upang makatanggap ng callback mula sa aming Action Center. I-email ang inyong suhestiyon at kumento sa [email protected]. Sundan din ang aming posts sa aming official Facebook page na “@philhealth.gov.ph” at sa official Twitter account na @teamphilhealth.

BENEPISYO MO, ALAMIN MO!

Ang PhilHealth Isolation Benefit Package na nagkakahalaga ng P22,449 ay benepisyo para sa mga pasyenteng posible at kumpirmadong may COVID-19 na asymptomatic at mild na kaso, at nangangailangan ng isolation sa mga accredited community isolation units.