MALONZO TOP PICK SA PBA D-LEAGUE DRAFT?

Jamie Malonzo

INAASAHANG ­unang kukunin si Jamie Malonzo sa 2020 PBA D-League Draft na nakatakda ngayong araw sa PBA Office sa Libis.

Ang 6-foot-6 high-flyer ang prime choice ng AMA Online Education makaraan ang pagsabak ng Fil-Am forward sa Portland State at sa La Salle sa nakalipas na UAAP season, kung saan bahagi siya ng Mythical Team.

Ito ang ika-4 na sunod na taon na unang pipili si coach Mark Herrera at ang  Titans sa annual rookie selection, na unang hakbang para sa mga aspirant bago makapasok sa PBA.

Ang mga dating top selection mula sa AMA ay sina Jeron Teng (2017), Owen Graham (2018), at Joshua Munzon (2019).

Bukod kay Malonzo, ang iba pa na inaasahang maagang mahuhugot ay sina Gilas pool member Jaydee Tungcab, at dating youth stars Jollo Go at Jerie Pingoy, gayundin sina Cebuano standouts Darrell Menina at Jaybie Mantilla.

Ang rookie pool  ay kinabibilangan ng 137 applicants, kabilang ang 17 Fil-foreigners.

Ang Foundation Cup runner-up Marinerong Pilipino ang pangalawang pipili, kasunod ang Aspirants Cup bridesmaid Centro Escolar University.

Samantala, 12 ang pinal na bilang ng mga koponan na magbabakbakan sa 2020 PBA D-League Aspirants’ Cup, na magsisimula sa Pebrero 13.

Pangungunahan ng NCAA champion Letran at UAAP runner-up University of Santo Tomas ang 12-team contingent para sa first conference.

Magbabalik ang Knights sa kanilang pangalan na Wangs Basketball-Letran habang ang Growling Tigers ay UST Builders Warehouse, kung saan ang dalawang koponan ang nakikitang early contenders para sa korona.

Tanging ang Marinerong Pilipino, na nagkasya sa bridesmaid finish sa Foundation Cup noong nakaraang season, ang club team para sa torneo, at ang 11 iba pa ay school-based teams.

Ang EcoOil-DLSU at Mapua ay nasa kanilang unang pagsabak sa PBA D-League, habang magbabalik naman ang Centro Escolar University at AMA Online Education.

Ang iba pang koponan ay ang San Sebastian, Far Eastern University, Diliman College, Technological Institute of the Philippines, at Enderun Colleges.

Comments are closed.