MARAMI sa atin ang pinagbibigyan ang lahat ng gusto at hilig. Kahit pa ang mga hilig at gustong iyon ay nakasasama sa kalusugan.
Pagkain, iyan ang isa sa hindi natin mahindian. Kapag inihain na iyan sa ating harapan, kinatatakaman natin at ayaw nang tigilan hanggang sa hindi masimot.
Pero bukod sa kahiligan natin sa iba’t ibang klaseng pagkain, importanteng iniisip din natin ang ating kalusugan. Dahil kung malusog ang ating katawan, siguradong kaligayahan ang kapalit nito—hindi lang sa atin kundi sa mga mahal natin sa buhay.
Maraming benepisyo ang healthy diet o ang pagpapanatiling malusog ng kabuuan. Hindi puwedeng kung ano ang maisip na pagkain o hinahanap-hanap ng panlasa, iyon na kaagad ang kahihiligan. Mahalagang pinag-iisipan nating mabuti ang kakainin nang maiwasan ang iba’t ibang sakit.
Alam naman nating sa pagiging pabaya sa pagkain, maraming sakit ang maaaring idulot nito sa atin. At para maging mas healthy ang diet, narito ang ilang simpleng paraan na maaaring subukan:
BAGALAN ANG PAGKAIN AT NGUYAIN ITONG MABUTI
Lahat naman tayo ay nagmamadali o laging naghahabol ng oras. Pero hindi porke’t sandamakmak ang trabahong kailangang tapusin, bibilisan na ang pagkain. Ang mga taong mabibilis kung kumain ay maaaring maging obese kaysa sa mga slow eater.
Kung mabagal din ang pagkain at nangunguyang mabuti, makatutulong ito upang mapanatili ang maayos na timbang.
UMINOM NG MARAMING TUBIG
Tamad ang marami sa ating uminom ng tubig lalo na kapag nakaharap sa computer o nagtatrabaho.
Importante ang pag-inom ng tubig sa kalusugan. Marami itong benepisyo sa katawan. Unang-una na riyan ay natutulungan tayo nitong magka-roon ng maayos na timbang. Sa mga nais magpapayat, swak din ang pag-inom ng tubig nang mabawasan ang timbang.
KAHILIGAN ANG PAGBE-BAKE O ROAST
Iba-iba nga naman ang klase ng pagluluto. At malaki rin ang naidudulot ng paghahanda o pagluluto ng pagkain sa ating kalusugan. Ilan sa madalas nating ginagawa o paraan ng pagluluto ang pagpiprito at pag-grill. Ito nga naman ang pinakamadaling paraan ng pagluluto o paghahanda ng pagkain.
Ngunit ang mga ganitong paraan ng pagluluto ay may masamang epekto sa kalusugan dahil ang ilang poetentially toxic compound ay maaaring ma-form o mabuo gaya ng polycyclic aromatic hydrocarbons (PAHs), advanced glycation end products (AGEs) at heterocyclic amines (HCAs).
Naka-link din ang mga compound na nabanggit sa ilang sakit gaya ng cancer at heart disease.
Para makaiwas sa sakit at mapanatiling malusog ang katawan, subukan ang healthier cooking methods gaya ng baking, simmering, slow cooking, poaching, pressure cooking, stewing at broiling.
IWASAN ANG FRENCH FRIES
Isa sa popular na side dish ang French fries. Sa restaurant man o sa bahay, kinahihiligan natin ito. Masarap nga naman at paborito ng marami—bata man o matanda.
Ngunit kailangan itong iwasan lalo pa’t ang mga deep-fried french fries ay nagtataglay ng ilang compounds gaya ng aldehydes at trans fats.
Kaya sa mga mahihilig sa patatas, imbes na French fries mainam kung papalitan ito ng baked o broiled potatoes. Mainam ito upang mabawasan ang calories, gayundin ang harmful compounds na maaaring makuha sa naturang pagkain.
UNANG KAININ ANG GREENS
Kapag gutom na gutom tayo, kung minsan ay hinuhuli nating kainin ang greens gaya ng salad. Gusto nga naman nating mabusog kaya’t kumakain kaagad tayo ng ulam at kanin.
Ngunit mas mainam kung uunahing kainin ang greens dahil malalamnan na ang iyong tiyan at maiiwasan nitong mapakain ng sobra o mga pagkaing hindi mabuti sa katawan.
May beneficial effects din sa blood sugar levels ang pagkain ng greens o gulay bago ang carb-rich meal.
IWASAN ANG “DIET” FOOD
Marami sa atin na kapag may nakalagay na salitang “diet” sa isang pagkain o inumin, akala natin ay mainam na ito sa kalusugan. Ngunit kung minsan ay mapanlinlang ang naturang salita. May taglay pa rin kasi itong fat na bahagyang binawasan. Nilalagyan din ito ng label na “fat free” o kaya naman ‘fat-reduced”.
Maging maingat sa bibilhing diet food. Kilatisin muna itong mabuti.
PAGTULOG NG MAHIMBING
Kahit na ilang beses nating nababasa o naririnig na importante sa kalusugan ang pagtulog ng mahimbing at sapat, kung minsan ay hindi pa rin natin ginagawa. Madalas pa rin tayong nagpupuyat. Madalas na binabalewala ang mga nababasa’t naririnig. Busy kasi, dahilan natin.
Tumataas o lumalakas ang kain ng isang taong kulang sa tulog na maaaring humantong sa pagtaba. Ang kakulangan din sa tulog ay may epekto sa konsentrasyon, pagiging produktibo, performance at immune function. Kaya’t sikaping makatulog ng maayos kahit maraming trabaho na kailangang tapusin.
Maraming simpleng paraan upang mapanatili nating healthy ang kabuuan. Nasa sa atin ang desisyon kung susundin natin o hindi ang ilang tips na naririnig natin at nababasa. (photos mula sa helpguide.org at dishallrecipes.com)
Comments are closed.