TILA maganda ang pagpasok ng bagong taon para sa mga motorista. Sa wakas ay binuksan na ang Skyway 3. Ang nasabing bagong skyway ay bahagyang binuksan sa publiko noong ika-29 ng Disyembre. Pinagdudugtong ng Skyway 3 ang North Luzon Expressway (NLEX) mula sa Balintawak hanggang sa Alabang. Ayon sa sa pahayag ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar, tinatayang nasa 50 libong sasakyan ang mababawas sa EDSA kada araw bilang resulta ng pagbubukas ng Skyway 3.
Sa bahagyang pagbubukas ng nasabing proyekto sa publiko, ang mga access na maaaring magamit ng mga bibiyahe papuntang Norte ay ang Buendia on-ramp, Quezon City on-ramp, at ang Balintawak off-ramp. Para naman sa mga patungong Timog, maaari nang gamitin ang Buendia off-ramp, Plaza Dilao on-ramp, Quezon Avenue off-ramp, at Balintawak on-ramp. Ang on-ramp ay tu-mutukoy sa mga access papasok at ang off-ramp naman ay tumutukoy sa mga access palabas ng Skyway 3.
Ang pagdurugtong ng Skyway 3 sa NLEX ay bunga ng pagtutulungan at kasunduan sa pagitan ng dalawa sa pinakamalaking grupo ng mga kompanya sa bansa — ang San Miguel Corporation (SMC) at ang MVP Group of Companies sa pamamagitan ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC). Ang hangganan ng Skyway 3 ay itinakda sa Balintawak, ngunit bunsod ng pagsasanib-puwersa ng dalawang higanteng korporasyon, ang Skyway 3 ay naidugtong sa NLEX. Ito ay tinatayang may habang 18 kilometro.
Ang opisyal na pagbubukas ng nasabing proyekto ay itinakda sa ika-14 ng Enero. Nasa apat na linya lamang ang maaaring daanan sa ngayon ngunit sa ika-14 ng Enero ay inaasahang maaari na ring gamitin ang natititra pang tatlong linya.
Ito ay tunay na magandang regalo sa mga motorista ngayong pagpasok ng bagong taon dahil bukod sa maiibsan na ang bigat ng trapiko sa Metro Manila ay pansamantala ring libre ang pagdaan sa Skyway 3 sa loob ng isang buwan simula noong ika-29 ng Disyembre.
Ako mismo ay nakasubok nang dumaan sa Skyway 3 bago natapos ang taon. Tunay ngang napakabilis ng biyahe. Gaya ng ulat ng iba, 15 na minuto lamang inabot ang biyahe mula sa pagpasok sa Balintawak hanggang sa Buendia. Sa kabuuan, hindi inabot ng isang oras ang aking biyahe mula Bulacan hanggang Makati. Kung dati ay inaabot ng humigit kumulang dalawang oras ang biyahe mula North Avenue hanggang Makati, maituturing na isang maganda at napakalaking pagbabago ang bilis ng biyahe sa kasalukuyan sa tulong ng Skyway 3.
Kapag dumami na ang mga motoristang daraan sa Skyway 3, sa halip na 15 na minuto mula sa Balintawak papuntang Makati, ito ay hahaba ng limang minuto at magiging 20 minuto ang kabuuang biyahe. Mabilis pa rin ito kumpara sa ating nakasanayan. Tinatayang 30 na minuto lamang aabutin ang biyahe mula NLEX hanggang Alabang. Ang Skyway 3 ay isang magandang alternatibo para sa mga motoristang bibiyahe sa kahabaan ng EDSA kaya inaasahang magiging malaking tulong ito sa pagluwag ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Ang proyektong ito ay kaisa sa programang ‘Build Build Build’ ni Pangulong Duterte.
Inaasahang mas magiging maginhawa na ang biyahe sa Metro Manila dahil sa pagbubukas ng Skyway 3. Kung pagsasama-samahin ang Skyway 1, Skyway 2, at ang Skyway extension, ito ay may kabuuang haba na 20 kilometro.
Sa pagbubukas ng Skyway 3, ang kabuuang haba ng Skyway ay nasa 38 na kilometro na. Sa pagtatapos ng Skyway Extension sa bahagi ng Susana Heights patungong Alabang, ang buong sistema ng Skyway ay magkakaroon na ng mga 36 na access point.
Maaasahang patuloy nating mararamdaman ang ginhawa ng mabilis na biyahe sa unti-unting pagtatapos ng mga proyekto sa ilalim ng planong mapaluwag ang takbo ng trapiko sa EDSA. Ayon kay Secretary Villar, ngayong taon ay maaasahang maidurugtong ang Skyway 3 sa NLEX Harbor Link sa pamamagitan ng NLEX-SLEX Connector.
Ang NLEX-SLEX Connector ay may habang walong kilometro. Ito ay maaaring magamit ng mga motoristang magmumula sa NLEX papunta sa Timog na bahagi ng Metro Manila. Ang dulo nito ay itinakda sa Segment 10 na matatagpuan sa kahabaan ng C3 Road sa Caloocan, papunta sa PUP sa Sta, Mesa. Inaasahang makakabawas ito ng humigit kumulang 35,000 na sasakyan sa EDSA at C5 kada araw.
Ang NLEX-SLEX Connector ay proyekto ng MVP Group na bumabagtas sa kahabaan ng ruta ng PNR. Dagdag pa ni Villar na ito ay nakatakdang matapos ngayong kapapasok na taon. Ang nasabing proyekto ay inaasahang magiging tugon sa mga suliranin patungkol sa truck ban.
Magbibigay rin ito ng alternatibong ruta sa mga truck na dumaraan sa Manila, Caloocan, Malabon, at Navotas. Inaasahan ding bibilis ang biyahe patungo sa NAIA at sa Clark Airport dahil sa proyektong ito. Mula sa dalawa hanggang tatlong oras na biyahe mula NLEX hanggang SLEX, ito ay bababa sa 20 na minuto na lamang. Mula naman sa tatlong oras mula sa Calamba patungo sa Clark, ito ay bababa sa halos isa’t kalahating oras na lamang.
Nalalapit na ang inaasam nating kaginhawahan sa pagbiyahe sa Metro Manila. Makatitipid na tayo sa oras at maaari nang maging mas produktibo dahil sa mga pagbabagong ito. Matapos ang ilang taong pagtitiis ay nalalapit na ang kaginhawahan. Napakaganda talaga ng resulta ng pagtutulungan ng pama-halaan at ng pribadong sektor. Nawa’y mas marami pang proyekto ang pagtulungan ng mga ito para sa ikagiginhawa ng takbo ng ating buhay, at para sa patuloy na pag-angat ng ating ekonomiya.
Comments are closed.