ISANG komunidad sa Atimonan, Quezon ang nangunguna ngayon kung paano magagawang sardinas ang isdang tamban na madalas na mahuli sa laot ng lalawigan. Natuklasan nila na ang tamban ay maaaring maging pangunahing sangkap sa paggawa ng sardinas, at puwedeng pagkakitaan ng mga mangingisda ngayong may pandemyang COVID-19.
Sa tulong ng programang Kaisa sa Kasanayan at Kabuhayan ng Atimonan One Energy, Inc. (A1E), isang proyektong pangkabuhayan na sumesentro sa pangingisda at pagsasaka, nakapagsimula ang mga residente ng Atimonan na makapagprodyus ng mataas na klase ng sardinas na naging paraan para may ekstrang pagkakitaan sila.
Ang pagpoprodyus ng sardinas ay pinangunahan ng Atimonan Coastal Food Production Association (ACFPA), na itinatag noong 2018 at may 27 miyembro na puro asawa ng mga mangingisda. Magmula noon, naging popular na ang tamban na gawing isang sardinas na may mataas na klase, hindi na lang ‘pagkain ng mga mahihirap.’
Pinangalanan ng ACFPA ang sardinas na Aplaya, na ginamitan ng premium corn oil, walang halong preserbatibo, at manwal na prinoseso at isinilid sa mga botelya. Sa kasalukuyan, hindi lang sa Atimonan mabibili ang Aplaya, umabot na rin ito sa merkado ng Maynila at Subic.
“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa AE1 sa tulong nila para makagawa kami ng sardinas at maitinda ito hindi lamang sa Atimonan kundi pati na rin sa labas na merkado,” wika ni ACFPA president Maritess Atienza.
Nangako naman si Atimonan Mayor Rustico Joven Mendoza na bibigyan ng suporta ng lokal na pamahalaan ang negosyo ng ACFPA, kasama na ang pagtatayo ng bagsakan ng mga isda sa sentro ng bayan sa Poblacion, Atimonan.
“Dahil sa malaking tulong na ibinigay ng proyektong sardinas sa aming kanayunan para makapaghanda kami sa bagong normal na buhay, magpupursige kaming palaguin pa lalo ang negosyo,” pangako ni Atienza.
Isang malaking proyektong industriyal na itinatayo ng A1E, na subsidiary ng Meralco PowerGen (MGen) sa Atimonan, ay ang 1,200-megawatt high-efficiency low emission (HELE) coal power plant.
Ayon kay Litz M. Manuel-Santana, bise-presidente at pinuno ng external affairs ng Mgen, “Anumang proyekto ang balak naming itayo sa Atimonan, nakikipagtulungan at nakikipag-usap muna kami sa lokal na gobyerno, NGO, kasama na ang opisyal ng barangay.”
Dagdag pa ni Santana, puspusan ngayon ang pagtulong ng MGen para mailagay sa merkado ang sardinas at maging matagumpay ang proyekto.
Comments are closed.