MANGLIWAN SINIKWAT ANG IKA-5 GOLD NG PH SA 4TH ASIAN PARA GAMES

Jerrold Mangliwan

NAKOPO ni Jerrold Pete Mangliwan ang ika-5 gold medal ng Pilipinas sa 4th Asian Para Games sa Hangzhou, China nitong Biyernes.

Sa 400-meter T52 wheelchair racing event ay naitala ni Mangliwan ang bagong personal record na 1:01.54.

Nagkasya sina Japanese competitors, Hiroka Ueyonabaru (1:01.79) at Tatsuya Ito (1:04.96) sa silver at bronze medals, ayon sa pagkakasunod.

Ito ang ikalawang medalya ni Mangliwan sa Asian Para Games, matapos ang kanyang silver medal win sa 100m T52 race sa kaagahan ng linggo.

Hanggang press time, ang Pilipinas ay may kabuuang 5 gold, 3 silver, at 5 bronze medals sa idinadaos na Asian Para Games na nakatakdang magtapos sa Sabado.