PANSAMANTALANG binuksan ang ilang parte ng Manila Bay kasabay ng selebrasyon ng International Coastal Cleanup Day. Lubos ang naging interes dito kaya naman dinayo ito ng publiko, maging ng media at mga vlogger para masilayan ang bagong mukha ng Manila Bay at ma-experience mismo nila ang pinag-uusapang crushed dolomite ‘white sand’ habang nanonood ng sunset view na kilala sa buong mundo dahil sa angking ganda nito. Ilang volunteers din mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno ang naglinis ng baybayin bilang parte ng programa.
Sa naturang okasyon, ininspeksiyon ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang na sina DENR Secretary Roy Cimatu, DOLE Secretary Silvestre Bello III, DSWD Secretary Rolando Bautista, MMDA Chairman Danny Lim, Manila Mayor Isko Moreno at DENR Undersecretary Benny Antiporda ang baybayin at ‘white sand’.
Isa lamang sa mga aktibidades sa buong rehabilitation program ng Manila Bay ang pagpapaganda ng baybayin nito sa pamamagitan ng ‘white sand’.
Ayon kay Cimatu, prayoridad ng programa ang coastal cleanup at water quality improvement. Nais ng DENR na siguraduhing ligtas na languyan ang Manila Bay, para naman ang ibang mga Filipino na walang kakayahan na makapunta sa mga sikat na beach tulad ng Boracay at El Nido sa Palawan ay makaranas din nito sa Maynila.
Pero para maging matagumpay ang kabuuan ng programa, kailangan ang pakikipagtulungan ng lahat ng sektor ng lipunan, kabilang na ang local government units, private sector at higit sa lahat, bawat mamamayang Filipino.
Napag-alaman na malaki ang kontribusyon dito ng mga informal settler na nakatira sa paligid ng baybayin dahil ang mga solid waste ng mga ito ay inaanod papunta sa Manila Bay. Kaya naman isang resettlement program para sa kanila ang nakaplano na.
Importante rin, aniya, na baguhin ng mga Filipino ang mindset ng pagtatapon ng basura kahit saan. “Napakahalaga na mabago ang kultura at pag- uugali ng mga ibang tao upang tuluyang masagip ang Manila Bay,” dagdag ni Cimatu sa isang interview.
Ayon pa sa DENR, naitayo na ang kauna-unahang solar-powered sewage treatment plant sa baywalk na kayang maglinis ng 500,000 liters ng maruming tubig araw-araw. Bumaba na raw sa hundred thousands na lamang ang coliform levels sa Manila Bay, kumpara sa milyon-milyon bago ang rehabilitasyon.
Nakaplano na rin ang pagpapatayo ng ilan pang treatment plants sa Paranaque, Tullahan-Tinejeros at Las Pinas-Zapote Rivers na dumadaloy lahat papuntang Manila Bay. May ilang pribadong kompanya rin ang magpapatayo ng sewage treatment plants at ilang sub-plants sa Metro Manila.
Istrikto na ring ipatutupad ng ahensiya ang three-meter easement law. Sa katunayan, ilang establishments sa paligid ng Manila Bay ang binigyan ng show cause order dahil sa mga violation nito sa clean water act.
Samantala, nanawagan naman si Mayor Isko sa mga grupo na, aniya, ay pinupulitika ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
“Ako naman nananawagan, huwag ninyo nang idamay ang Maynila sa politika ninyo. Kailangan namin nito, kailangan namin ng malinis na dagat, kailangan namin ng malinis na ilog, kailangan namin ng malinis na creek, kailangan ‘yon ng mga susunod na salinlahi namin,” sabi ng alkalde sa ICC event.
Matatandaang naging mainit na usapan ang pagbuhos ng crushed dolomite sa baybayin, at sinabing artipisyal na rehabilitasyon lamang ang programa. Kinuwestiyon din ang epekto ng dolomite sa kalusugan kapag na-inhale, bagay na nilinaw ni DENR USec Antiporda.
Ayon kay Antiporda, ang crushed dolomite boulders mula sa Cebu ay dinurog na bago pa dalhin sa Maynila. Ang dolomite na ito ay may laki na two to five millimeters o 2,000 to 5,000 microns, 100 times na mas malaki kaysa sa fine dust na puwedeng ma-inhale ng tao.
Binigyang-diin pa ito ni Mayor Isko, “Umasa kayo na…sa maliit naming kaparaanan bilang pamahalaang lungsod, ‘di rin naman kami papayag na anumang uri ng development we introduce sa lungsod ay makakapaminsala sa kalusugan ng tao sapagkat iyan ay obligasyon nila, obligasyon namin na mapanitiling ligtas ang bawat tao.”
Malaki ang potensiyal ng proyektong ito ng gobyerno, lalo’t babalikan natin ang nangyari sa Boracay rehabilitation poject na talaga namang malaki ang naging tulong para ma-preserve ang isla at mapangalagaan ang yaman nito. Hindi rin maipagkakaila na malaki ang impact nito sa mga naninirahan at mga nagnenegosyo sa isla dahil sila mismo ay nagkusa na panatilihing malinis ang pinanggagalingan ng kabuhayan nila.
Pinakaimportante na nga ang mentality na ayusin ang sistema ng pagtatapon ng basura, i-recycle ang puwede pang mapakinabangan at itapon nang wasto ang perishables. Nawa’y magkaroon ng epektibo at pangmatagalan na sistema para rito ang bawat local government units at maisakatuparan ito nang maayos.
Inumpisahan na ng national government ang hakbang sa pagpapaganda ng Manila Bay, at marami pa umanong kasunod ito. Bukod sa suporta ng LGUs at private sector, ang disiplina ng mga mamamayang Filipino ang susi para siguraduhing maging matagumpay ito.
Comments are closed.