LABIS na ikinatuwa ng pamahalaang lungsod ang ulat na ang Maynila ang kinikilala ngayon bilang “the most loving capital city in the world,” at hindi na naman umano ito nakapagtataka dahil lubhang mapagmahal ang mga Manileño.
Ayon Manila Mayor Honey Lacuna, sa pinakahuling global study ng Crossword Solver, ang mga residente ng Maynila ay nag-share ng 1,246 loving tweets sa bawat 100,000 na pino-post sa social media platform. Ang survey ay base sa dami ng pagsusulat sa online ng ‘love you.’
“It is not surprising that Manila is named as the “most loving” capital city in the world. Mapagmahal ang mga Manilenyo at gusto naming iparamdam ito sa anumang paraan, sa salita man o sa gawa,” ani Lacuna.
“Ang pamahalaang-lungsod ng Maynila ay patuloy ding pinaparamdam ang pagmamahal sa mga Manilenyo sa pamamagitan ng serbisyong tapat at mapagkalinga. Para sa lahat ng Manilenyo, nawa’y araw-araw nating iparamdam ang pagmamahal sa kapwa, hindi lang ngayong buwan ng mga puso,” anang alkalde sa kanyang social media na nilagyan pa niya ng heart emoji kung saan ginamitan niya rin ng hashtag, “MayniLove,” bilang pagtukoy sa libreng Valentine’s offering ng pamahalaang lungsod sa Mehan Garden na nagbukas nitong Lunes.
Ang “MayniLove” ay isang lugar kung saan ang ang mga magkasintahan, pamilya at magkakaibigan ay maaaring mag-enjoy ng live daily entertainment; booths ng mga pagkain at gift items, flowers, chocolates, stuffed toys, photo booths, Instagrammable spots at daily giveaways. Mayroon din “Puppy Love” area para sa dog lovers sa loob ng venue na bukas hanggang Pebrero 17 mula alas-4 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi araw-araw.
Ang Crossword Solver ay kumukolekta ng mga sample ng geotagged tweets na pino-post sa bawat bansa at lungsod sa buong mundo at inaanalisa kung alin ang naglalaman ng variations ng katagang ‘love you’, kabilang na ang tweets na may ‘love u’ at ‘<3 you’ pati na rin ang iba’t-ibang tipo ng heart emojis na sinusundan ng ‘u’ o ‘you’.
Matapos ang capital city ng Pilipinas na Manila, ang iba pang capital cities na sumunod ay Guatemala City, Guatemala (1,224); Luanda, Angola (1,180); Jakarta, Indonesia (974); and Mexico City, Mexico (948).
Ang pag-aaral ay upang matukoy kung anong bansa at siyudad sa mundo ang most loving base sa dami ng beses na ang katagang “love you” ay ginamit sa geotagged tweets sa online. Isa pa sa dahilan ng mataas na ranking ng Maynila ay ang strong family ties sa kulturang Pinoy, kung saan ang pag-ibig ang siyang pinakaubod ng lahat ng pamilya, maging ito man ay immediate o extended.
Samantala ang younger generation sa bansa ay kilala din sa pagpapahayag ng kanilang emosyon sa online sa pamamagitan ng “hugot,” isang katagang Pinoy na nagpapahayag ng malalim na emosyon. Ito ay kalat maging sa magkakaibigan, pamilya at magkakasintahan sa pamamagitan ng paggamit ng mga madamdaming quotes, music at videos.
Kinilala din sa pag-aaral na ang Guatemala bilang “most loving country in the world” habang ang Cochabamba, Bolivia ay “the most loving city”. VERLIN RUIZ