BILANG emerging boxing idol ng bansa, si Olympian Eumir Felix Marcial ay tatanggap ng special award sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Diamond Hotel sa susunod na linggo.
Ang 26-year-old na ipinagmamalaki ng Lunzuran, Zamboanga City ay gagawaran ng Fan Favorite ‘Manok ng Bayan’ Award sa March 14 event na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), at Cignal TV.
Si Marcial ang pinakabagong personalidad na bibigyan ng pagkilala ng Chooks To Go, na una na ring nagbigay-pugay kina Terrence Romeo, Kai Sotto, PH 3×3 basketball team, at legendary boxing champion Manny Pacquiao sa kaparehong special award.
Ang middleweight fighter ang naging pinakamabigat na Pinoy na nagwagi ng medalya sa Olympics — bronze sa 75 kg class ng Tokyo Olympics.
Sa pagitan ng kanyang paghahanda para sa Summer Games, si Marcial ay nagpasiya ring maging pro at nanalo sa kanyang debut noong December 2020 sa pamamagitan ng unanimous decision laban kay Andrew Whitfield sa Los Angeles.
Kasalukuyan siyang naghahanda para sa kanyang susunod na pro fight na pansamantalang itinakda sa Abril.
“It’s an honor to name Olympic bronze medalist Eumir Marcial as the 2021 Chooks-to-Go Fan Favorite ‘Manok ng Bayan awardee. We’re aware his Olympic journey is just the beginning of what would be a colorful and successful professional career,” sabi ng Chooks-to-Go sa isang statement.
Bukod sa ‘Manok ng Bayan’ award, si Marcial ay magiging bahagi rin ng listahan na gagawaran ng major awards ng pinakamatandang media organization ng bansa sa special rite na suportado ng MILO (official choco milk), 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Philracom, Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, MVP Sports Foundation, at Smart.
Kasama ni Marcial na tatanggap ng Major Awards sina fellow Olympic medal winners Nesthy Petecio at Carlo Paalam, pole vaulter EJ Obiena, pool champion Carlo Biado, tennis star at grand slam winner Alex Eala, at world boxing champions Nonito Donaire Jr., Jerwin Ancajas, at John Riel Casimero.