MAKARAANG tulungan ang kani-kanilang koponan na maitala ang mga krusyal na panalo sa 2020 PBA Philippine Cup, nagsosyo sina Vic Manuel ng Alaska at Beau Belga ng Rain or Shine sa PBA Press Corps Player of the Week para sa Oct. 26-Nov. 1 period.
Si Manuel ay may average na 21.0 points sa 61% shooting, 7.0 rebounds, at 2.5 assists noong nakaraang linggo kung saan umangat ang Aces sa 5-3 kartada.
Kumamada siya ng 18 points at 7 rebounds sa 99-96 panalo kontra TerraFirma, bago dinaig ang kaibigang si Calvin Abueva sa pagtipa ng 24 points at 7 boards sa 105-97 win laban sa Phoenix Super LPG.
Nagbuhos naman si Belga ng 20 points, 10 rebounds, at 4 assists sa nag-iisang laro ng Rain or Shine noong nakaraang linggo kung saan ginulantang nila ang Barangay Ginebra, 85-82, sa overtime.
Naitala niya ang lima sa kanyang 20 points sa overtime period, kabilang ang dagger three-pointer sa huling minuto na naghatid sa Elasto Painters sa ikalawang puwesto sa league standings na may 4-1 rekord.
Samantala, inangkin ni Mark Ayonayon ng NLEX ang Rookie of the Week honors makaraang tulungan ang Road Warriors na pataubin ang dating walang talong TNT Tropang Giga, 109-98.
Sumuporta sa backcourt tandem nina Kevin Alas at Kiefer Ravena, si Ayonayon ay gumawa ng 8 points at kumalawit ng tatlong rebounds sa quality minutes mula sa bench upang makopo ang citation.
Comments are closed.